Biyaheng finals sa FEU
Laro Ngayon (MOA Arena)
2pm NU vs UST (M)
4pm DLSU vs NU (W)
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Far Eastern University na walang Ateneo-La Salle finals.
Ito ay matapos patalsikin ng Lady Tamaraws ang Lady Eagles sa pamamagitan ng 25-20, 25-21, 14-25, 25-19 desisyon upang masikwat ang unang tiket sa finals ng UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nasandalan ng Lady Tamaraws si opposite hitter Chin-Chin Basas na bumira ng 17 puntos galing sa 12 attacks, tatlong service aces at dalawang blocks upang buhatin ang kanilang tropa sa unang finals appearance sa nakalipas na 10 taon.
“Ini-ensayo namin every point, every position sa practice namin. Nag-materialize naman sa laro namin ngayon. Nung third set, I talked to them na don’t stop hindi pa tapos yung game. It’s not time to celebrate yet and don’t relax,” pahayag ni FEU coach George Pascua.
Nakakuha rin ng malalaking puntos ang FEU kina MVP candidate Bernadeth Pons sa attackline habang naasahan ng husto si middle blocker Celine Domingo sa net defense.
Nagawang hilahin ni Pons ang Lady Tamaraws sa match point, 24-16 matapos ang dalawang malakas na backrow hits.
Pumalag pa ang Lady Eagles nang ibaon ni Kat Tolentino ang cross-court hit kasunod ang isang ace at isang matikas na block mula kay Maddie Madayag para sa 19-24.
Ngunit pinagtulungan nina Kyle Negrito at Celine Domingo na masawata ang atake ni Jhoana Maraguinot para tuluyang angkinin ng FEU ang panalo
Makakatipan ng FEU ang magwawagi sa pagitan ng nagdedepensang De La Salle University at National University sa hiwalay na semis game.
Sa men’s division, humataw si four-time MVP Marck Espejo ng record-breaking output upang dalhin ang Ateneo sa 18-25, 25-13, 24-26, 25-23, 15-9 panalo laban sa FEU at maipuwersa ang rubber match sa kanilang semis series.
- Latest