Pinoy riders handa sa mga foreign cyclists
MANILA, Philippines — Tuluy na tuloy na ang pagdaraos ng prestihiyosong Le Tour de Filipinas sa Mayo 20 hanggang 23 tampok ang pinakamatitikas na siklista mula sa 16 koponan kabilang ang 10 foreign teams.
Orihinal na nakatakda ang Le Tour noong Pebrero sa Bicol Region subalit nagpasya ang mga organizers na kanselahin ito matapos pumutok ang Mayon Volcano.
Kaya naman wala nang makapipigil pa sa pagkakataong ito dahil iniba na rin ang rutang gagamitin sa karera.
Lalarga ang Stage 1 sa Quezon City patungong Palayan City, Nueva Ecija (151.32 kms.) kasunod ang Stage 2 mula Cabanatuan City, Nueva Ecija hanggang Bayombong, Nueva Vizcaya (157.90 kms.) at Stage 3 mula Bambang, Nueva Vizcaya hanggang Dagupan City, Pangasinan (174.50 kms.).
Magbabakbakan ang mga kalahok sa Final Stage na magsisimula sa Lingayen, Pangasinan patungong Baguio City, Benguet (154.65 kms.).
Babalik sa bansa si Daniel Whitehouse ng Interpro Cycling Academy upang makabawi sa pagkakataong ito ngunit handa ang Pinoy riders na bigyan ng magandang laban ang mga foreign teams.
Masisilayan sa taong ito si 2014 Le Tour champion Mark Galedo ng 7-Eleven Road Bike sa torneong binigyan ng International Cycling Union (UCI) ng basbas bilang category 2.2 event.
Galing ang 7-Eleven Roadbike Philippines sa ikatlong puwestong pagtatapos sa Team Asian Classification ng Le Tour de Langkawi.
Sasabak din ang Philippines National team-Bike Xtreme Ph, Go for Gold, Standard Insurance Navy Team at CCN Super Team.
Kasali rin ang foreign teams na Pishgaman (Iran), Brisbane Continental Cycling Team at Oliver’s Real Food Racing (Australia), Nice Devo (Mongolia), Interpro Cycling Academy (Thailand), Korail Cycling (South Korea), Team Sapura Cycling at Terengganu Cycling (Malaysia), Ningxia Sports Lottery Livall (China) at KFC Cycling (Indonesia).
- Latest