Lady Eagles dinagit ang Warriors
MANILA, Philippines — Pinatumba ng Ateneo de Manila University ang University of the East, 25-14, 18-25, 25-13, 25-18 upang masolo ang No. 2 spot sa UAAP Season 80 women’s volleyball tournament kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Nagsilbing lider sa pagkakataong ito si Kat Tolentino na pumalo ng 22 puntos mula sa 16 attacks, limang blocks at isang ace gayundin si Jhoana Maraguinot na nagsumite ng 18 markers para sa Lady Eagles na umangat sa 7-3 baraha.
“We are just following what coach Tai (Bundit) says. Preparing for each team every week, we really watch our opponents. As long as we play happy and ‘heart strong’ we can definitely go far in this UAAP,” ani Tolentino na dating Rookie of the Year awardee.
Naasahan din si team captain Maddie Madayag na pumalo ng 13 puntos gayundin si Jules Samonte na nagdagdag ng 11 puntos at Deanna Wong na kumana naman ng 50 excellent sets para sa Lady Eagles.
Laglag ang Lady Warriors sa 2-8 sa kabila ng pinagsamang 31 puntos na nakolekta nina wing spikers Shaya Adorador at Mary Ann Mendrez.
Sa ikalawang laro, naitarak ng Adamson University ang 25-19, 25-15, 18-25, 25-13 pagresbak sa National University upang sumulong sa 5-5 marka.
Gumulong naman ang NU sa ikatlong puwesto tangan ang 6-4 rekord.
Sa men’s division, sinuwag ng FEU ang University of the Philippines, 25-22, 25-20, 25-21 upang makalapit sa Final Four slot bitbit ang 8-2 marka.
Nanaig naman ang La Salle sa UE, 25-23, 25-17, 25-15 para sumulong sa 4-6 kartada at manatiling buhay ang pag-asa nito sa semis slot.
- Latest