Pay Maya solido pa rin ang lineup
MANILA, Philippines — Bagong pangalan ngunit parehong solidong lineup ang ipaparada ng Pay Maya sa Premier Volleyball League Reinforced Conference na magsisimula sa Mayo.
Hahawakan ang tropa ni seasoned coach Roger Gorayeb na siya ring humawak sa BaliPure squad na nagkampeon sa Open Conference noong nakaraang taon.
“It’s a corporate decision to change our team’s name,” wika ni Gorayeb patungkol sa MVP Group of Companies-owned app na karaniwan nang ginagamit sa mga convenience stores, pawnshops at malls na maihahalintulad sa paggamit ng isang credit card.
Mangunguna sa ratsada ng Pay Maya si San Sebastian College-Recoletos star Grethcel Soltones at prized libero Alyssa Eroa kasama sina playmaker Jasmine Nabor, Aiko Urdas at Jorelle Singh ng National University, Jerilli Malabanan at Angel Cayuna ng Far Eastern University at libero Tatan Pantone.
Madadagdagan ang tropa dahil ipinasok din ni Gorayeb sina San Sebastian players Kath Villegas at Joyce Sta. Rita at FEU middle hitters Czarina Grace Carandang at Celine Domingo.
“But we will bring in the same team we announced last January, with some few changes,” dagdag ni Gorayeb.
Hindi makakasama ng tropa si dating Bali- Pure player Risa Sato na pumirma ng isang taong kontrata sa Creamline Cool Smashers para makasama sina four-time UAAP MVP Alyssa Valdez, Jia Morado, Melissa Gohing at ang bagong hirang na Bibinibing Pilipinas Globe na si Michele Gumabao.
Naghahanap pa ang Pay Maya ng imports na makakatuwang ng tropa sa kampanya nito laban sa matitikas na koponan ng Creamline, Pocari Sweat-Air Force at Perlas-BanKo.
“We’re still looking for the right imports to fit our line-up. Hopefully, we could give them a good fight,” ani Gorayeb.
Lalarga rin sa edisyong ito ang Petro Gazz Angels at Tacloban Fighting Warays.
- Latest