Sister Team sa All-Filipino Finals
Laro sa Biyernes(Smart Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel vs Magnolia (Game 1, Finals)
Magnolia vs San Miguel
MANILA, Philippines — Hindi na hinayaan ng Hotshots na makapuwersa ng Game Seven ang Road Warriors.
Tuluyan nang inangkin ng Magnolia ang ikalawang championship ticket matapos patumbahin ang NLEX, 96-89 sa Game Six ng kanilang semifinals series para sa 2018 PBA Philippine Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Winakasan ng Hotshots ang kanilang best-of-seven semis showdown nila ng Road Warriors sa 4-2 para hamunin ang nagdedepensang San Miguel Beermen sa titular duel na magsisimula sa Biyernes.
Bumangon ang Magnolia mula sa 11-point deficit, 27-16 sa first period para kunin ang 69-62 bentahe sa huling tatlong minuto ng third quarter hanggang makadikit ang NLEX sa 89-91 agwat sa huling 2:09 minuto ng final canto mula sa follow up ni Michael Miranda.
Ang dalawang krusyal na turnover nina rookie Kiefer Ravena at Larry Fonacier sa posesyon ng Road Warriors ang nagresulta sa three-point play ni Mark Barroca at fastbreak layup ni Jio Jalalon para ilayo ang Hotshots sa 96-89 sa natitirang 1:23 minuto ng laro.
Tumapos si Ian Sangalang ng 15 puntos na sinuportahan naman ng 14 markers ni Jio Jalalon para banderahan ang Hotshots sa panalo.
Magnolia 96 - Sangalang 15, Barroca 14, Jalalon 11, Ramos 10, Pascual 10, Lee 9, Dela Rosa 9, Reavis 6, Simon 6, Herndon 4, Brondial 2.
NLEX 89 - Miranda 20, Fonacier 17, Baguio 10, Ravena 9, Mallari 8, Taulava 7, Soyud 6, Tiongson 5, Quiñahan 4, Ighalo 3.
Quarterscores: 20-29, 49-46, 71-68, 96-89.
- Latest