2 Pinoy boxers sumuntok ng ginto
MANILA, Philippines — Sumuntok ang national boxing team ng dalawang ginto at dalawang tansong medalya sa 35th Feliks Stamm Memorial Tournament na ginanap sa Warsaw, Poland.
Naipagpatuloy ni World championship silver medalist Nesthy Petecio ang magandang ratsada matapos sungkitin ang gintong medalya sa women’s bantamweight (57 kg.) class kung saan iginupo nito si Omella Warner ng Germany sa championship round.
Kamakailan lamang ay umani ng ginto si Petecio sa 2018 Indian Open sa New Delhi, India.
Naibulsa naman ni Southeast Asian Games gold medalist Ian Clark Bautista ang ikalawang gintong medalya ng Pilipinas matapos pagharian ang men’s flyweight (52 kg.) division sa torneong itinaguyod bilang pagkilala kay legendary coach Feliks Stamm na isang seven-time Olympian.
Naitala ng 23-anyos Binalbagan, Negros Occidental native na si Bautista ang impresibong 5-0 unanimous decision win laban kay Zarip Jumayev ng Turkmenistan sa gold-medal match.
Nagkasya naman sa tansong medalya sina lightweight Junel Cantancio at bantamweight Mario Bautista sa kani-kanilang dibisyon.
Ang paglahok ng national team sa Poland event ay bahagi ng paghahanda nito sa 2018 Asian Games sa Indonesia sa Agosto, 2019 SEA Games sa Manila at qualifying tournaments para sa 2020 Olympic Games sa Tokyo, Japan.
- Latest