Niyakap ng mga Lady Spikers si setter Kim Fajardo na inilaro ang kanyang pinakahuling season sa UAAP.
Miguel De Guzman
Lady Spikers bubuo ng ‘dynasty’ sa UAAP kahit wala na si ‘Ate Kim’
Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - May 8, 2017 - 12:00am

MANILA, Philippines - Muling bumubuo ng dinastiya ang De La Salle University matapos maikabit ang ikalawang sunod na kampeonato kamakalawa sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament kung saan pinabagsak nila ang karibal na Ateneo de Manila University sa best-of-three championship series.

Unang nalasap ng La Salle ni head coach Ramil De Jesus ang UAAP championship noong Season 62.

Lubos na umusbong ang Lady Spikers sa pagbubukas ng bagong milenyo matapos maitala ang ‘three-peat’ noong 2003 hanggang 2006 kasunod ang isa pang ‘three-peat’ noong 2010 hanggang 2013.

Ngunit binasag ng Ateneo ang nasabing winning-streak ng La Salle matapos pamunuan ni Alyssa Valdez ang Lady Eagles sa pagkopo ng back-to-back titles noong 2014 at 2015.

Bago pa man makabuo ng sariling dinastiya ang Lady Eagles ay agad itong nasawata ng Lady Spikers nang kubrahin ang kampeonato noong nakaraang taon kasunod ang pamamayagpag noong Sabado para matamis na kunin ang ika-10 kabuuang titulo sa liga.

Malaking bahagi ng tagumpay ng Lady Spikers ang beteranong setter na si Kim Fajardo na siyang panguna­hing sinasandalan ng tropa.

“Kim Fajardo, magaling talaga siya. Kaya niyang dalhin ‘yung team at nandun ‘yung leadership niya. Na-absorb ng mga teammates niya ‘yung positive energy niya sa court,” wika ni De Jesus.

Itinarak ng La Salle ang 21-25, 29-27, 25-22, 25-20 panalo sa Game One kasunod ang 19-25, 25-14, 18-25, 25-18, 15-10 pananaig sa Game Two upang tuldukan ang pag-asa ng Ateneo.

“Sinabi ko sa kanila na ayoko nang umabot sa Game Three. Alam ko na kaya nila, maniwala lang sila sa sarili nila na kaya nila. Kailangan gusto ng isa, gusto rin ng lahat na manalo,” dagdag ni De Jesus.

Bitbit ang determinasyon, matatalim na atake ang pi­nakawalan nina Kim Dy, Aduke Ogunsanya at Ernestine Tiamzon gayundin nina Season MVP Majoy Baron at Fi­nals MVP Desiree Cheng para makuha ang panalo.

Hindi rin makakalimutan ang buwis-buhay na depensa ni Best Receiver Dawn Macandili na ginamit na ang lahat ng bahagi ng katawan masalag lang ang matutulis na atake ng Lady Eagles.

Maningning na tinapos ni Fajardo ang kanyang college career, ngunit naniniwala siyang malayo pa ang ma­rarating ng Lady Spikers na kanyang iiwan.

“Sobrang saya na aalis akong champion. Iyong may ganitong naiwan para sa La Salle. Malaking achievement ito na sana madala ng team sa mga susunod pang laban. At naniniwala akong kaya nila,” pahayag ni Fa­jardo.

UAAP
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

SIGN IN
or sign in with