Lady Eagles muling sumosyo sa liderato; Tigresses nagpatibay sa Final Four berth
Chris Co (Pilipino Star Ngayon) - April 3, 2017 - 12:00am

MANILA, Philippines - Matatalim na kuko ang ibinaon ng Ateneo de Manila University sa University of the East patungo sa 25-18, 25-12, 25-10 panalo upang muling makisalo sa liderato ng standings ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 79 women’s volleyball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nanguna si Rookie of the Year candidate Kat Tolentino nang pumalo ng 12 puntos, habang nagdagdag si Jia Morado ng siyam na puntos kasama ang 26 excellent sets para sa Lady Eagles.

Sumulong sa 11-2 ang baraha ng Ateneo upang sa­mahan ang De La Salle University sa tuktok.

Sumuporta rin si opposite hitter Michelle Morente na naglista ng walong puntos, habang nagpasya si Lady Eagles head coach Tai Bundit na ipahinga si open hitter Jhoana Maraguinot.

“Desisyon ni coach Tai na ipahinga si Jhoana. Kaila­ngan din kasi ng pahinga para sa mga susunod na im­portant games namin,” wika ni Ateneo assistant coach Sherwin Meneses.

Sunod na makakasagupa ng Lady Eagles ang Lady Spikers sa Sabado upang madetermina ang top seeding sa Final Four.

Nahulog sa 1-12 ang kartada ng Lady Warriors.

Tanging anim na puntos lamang ang nakuha ni Mary Anne Mendoza para pamunuan ang UE, habang nalimitahan sa limang puntos si top scorer Shaya Adorador.

Sa ikalawang laro, lumapit sa Final Four slot ang Uni­versity of Santo Tomas makaraang sakmalin ang University of the Philippines, 25-20, 25-21, 25-16.

Nasolo ng UST ang No. 3 spot hawak ang 8-5 marka.

Kinakailangan na lamang nilang talunin ang National University sa Miyerkules para pormal na makuha ang hinahangad na semifinals slot.

Bagsak naman sa 7-6 ang UP para makatabla ang NU (7-6) at Far Eastern University (7-6) sa No. 4.

Sa men’s division, ginulantang ng Adamson University ang paboritong UST, 25-23, 25-19, 25-17, para pagandahin ang kanilang rekord sa 4-9.

Nalaglag ang Growling Tigers sa 6-7 marka sa likod ng Fighting Maroons na may 5-8 baraha.

Namayani rin ang NU laban sa UE, 25-15, 25-15, 25-18, patungo sa kanilang 12-1 marka.

Laglag sa 1-12 ang Red Warriors.

LADY EAGLES MULING SUMOSYO SA LIDERATO
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with