Tigers vs Tams sa UAAP finals; Bulldogs hinubaran ng korona
(Pilipino Star Ngayon) - November 22, 2015 - 9:00am

MANILA, Philippines – Hinubaran ng korona ng University of Santo Tomas ang National University (NU) sa bisa ng 64-55 panalo upang makapasok sa finals ng University Athletic Association of the Philippines Season 78 men’s basketball tournament kahapon sa Smart Araneta Coliseum.

Inilabas ni Louie Vigil ang kaniyang bangis nang magtala ito ng impresibong 19 puntos, 11 rebounds, pitong assists, dalawang steals at dalawang blocks para pamunuan ang Growling Tigers na makabalik sa finals.

Nakatuwang ni Vigil ang team captain na si Kevin Ferrer na kumana ng 11 puntos, pitong rebounds at dalawang blocks gayundin si Sheak Sheriff na nagdagdag ng 10 puntos at limang boards.

Nag-ambag ng walong puntos at walong rebounds si Ed Daquioag at anim na puntos at siyam na rebounds si Karim Abdul.

Tanging si Nico Javelona lamang ang tumapos ng double digits para sa Bulldogs tangan ang 17 puntos habang nalimitahan sa pito si Cameroonian Alfred Aroga at anim naman si Gelo Alolino.

“Inilabas ng mga players ang puso nila ngayon. Nag-focus rin kami kay Gelo. Just one-on-one defense lang at na-execute naman namin ng maayos,” sambit ni Tigers  head coach Bong Dela Cruz.

Makakaharap ng Tigers sa finals ang Far Eastern University Tamaraws na nanaig laban sa Ateneo de Manila University, 76-74 noong Sabado sa best of-three finals.

Nakatakda ang Game 1 ng best-of-three championship series sa Miyerkules sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

“Malakas ang FEU, paghahandaan namin sila. Pag-aaralan namin dahil iba ang championship. Ibang istorya na ito.  Bukas  magsisimula na kami ng preparation namin,” dagdag ni Dela Cruz.

Ito ang unang paghaharap ng UST at FEU sa finals sapul noong 1979 kung saan namayani ang Tamaraws sa championship game sa iskor na 100-89.

Target ng UST na sakmalin ang kanilang ika-19 korona upang mapantayan ang FEU bilang winningest team sa liga.

ANG BONG DELA CRUZ CAMEROONIAN ALFRED AROGA DELA CRUZ ED DAQUIOAG FAR EASTERN UNIVERSITY TAMARAWS GELO ALOLINO GROWLING TIGERS INILABAS KARIM ABDUL KEVIN FERRER
Philstar
  • Latest
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with