^

PSN Opinyon

P600K sapatos ni VP Inday, bakas ng marangyang elitista

Pabida - June G. Trinidad - Pilipino Star Ngayon

Gumuho ang imahe ng pagiging “simple at maralita” matapos ihayag sa Senate impeachment proceedings ang ginawang pagkaskas ng credit card nina Vice President Sara Duterte at ang kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio ng halos P600,000 sa dalawang beses na pagbisita sa Nike stores sa Davao at sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Ito ang isa sa mga pinunang “unusual banking behavior” ng beteranong forensic financial analyst na si Atty. Alexander Cabrera sa kanyang ginawang pagsilip sa mga financial documents ng mag-asawang Duterte at Carpio.

Nasilip nito ang pagbili sa Nike SM Davao (Disyembre 27, 2025) sa dalawang magkahiwalay na transaksyon sa loob lang ng isang araw na nagkakahalaga ng P93,750.00 at P205,392.00 (kabuuang halos P300,000) at kasunod ay sa Nike Pavilion sa Kuala Lumpur, Malaysia na isang solong kaskas na nagkakahalaga naman ng P256,882.50.

Kasabay pa ito ng isa pang pasabog ng prosekusyon—ang hapunan sa Tokyo, Japan na umabot naman sa lagpas P200,000.

Prinisenta ng prosekusyon si Cabrera para masuportahan nito ang alegasyon laban kay Duterte na mayroon siyang undeclared assets at unexplained wealth simula noong naupo siya bilang Bise Presidente noong 2022.

Hindi krimen ang mag-shopping o gumamit ng credit card kung sariling pera ang ginagamit. Para sa ordinar­yong Pilipino na nagkukumahog pagkasyahin ang minimum wage sa lumalalang presyo ng bigas at ulam, ang halagang P600,000 para sa mga sapatos at damit-pampalakasan ay isang malaking sampal.

Habang ang karaniwang pamilya ay nagtitiyaga sa mga pekeng sapatos o kaya’y “ukay-ukay,” ang ikalawang pina­kamataas na pinuno ng bansa ay nagawa umanong mag-splurge ng mahigit P300,000 sa isang araw lang para sa karangyaan. Marami ang magtatanggol at sasabihin na kaya naman nilang bilhin, mayaman at mga abogado naman sila bago pa pumasok sa pulitika. Maaaring totoo dahil ang isang pribadong mamamayan ay may karapatang gastusin ang kanyang pera sa anumang paraan niya gustuhin. Subalit, kapag ikaw ay nakaupo sa gobyerno, may moral na obligasyon kang magpakita ng delikadesa at kababaang-loob, alinsunod na rin sa batas ukol sa Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.

Higit pa rito, winawasak ng mga dokumentong ito ang naratibong matagal nang ibinebenta ng pamilyang Duterte. Na sila ay kapareho lang ng mga karaniwang mamamayan na nakikikain sa karinderya at namumuhay nang payak.

Mahirap lunukin ang pagiging “relatable” kung ang isang swipe ng iyong credit card ay katumbas na ng taunang sahod ng isang pampublikong guro o nurse sa Pilipinas.

Kung saan patungo ang mga hakbang ng mga mamahaling sapatos na ito sa entablado ng impeachment,ang Senado at ang taumbayan ang siyang huling huhusga.

Ngunit sa ngayon, ang naiwang bakas ng kanilang foot­prints ay hindi ng isang simpleng lider kundi ng isang ma­rangyang elitista.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with