National School Safety Week: Mas ligtas na mga paaralan, patuloy na isinusulong
Sa gitna ng pagdiriwang natin ng National School Safety Week ngayong linggo, nakikiisa ang inyong lingkod sa paghahangad ng ligtas na mga paaralan para sa ating mga mag-aaral.
Patuloy din tayong nananawagan ng mga hakbang upang lalo pang patatagin ang seguridad sa ating mga paaralan, lalo na’t patuloy nating tinutugunan ang mga dumarami at lumalalang insidente ng karahasang kinasasangkutan ng ating mga mag-aaral.
Ang ating mga paaralan ay mga ligtas na espasyo na dapat walang puwang para sa anumang uri ng karahasan. Kaya naman patuloy nating isusulong ang mga panukalang batas, programa, at polisiya upang itaguyod ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral.
Kung ating babalikan ang mga nagdaang linggo, inaprubahan na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang ilang mga panukalang batas na magpapalakas sa proteksyon ng ating mga mag-aaral.
Una rito ang Senate Bill No. 2426 o ang Comprehensive School Safety Act, na naglalayong palakasin ang security measures sa mga pampublikong paaralan. Sa ilalim ng naturang panukala, magkakaroon ng National School Safety Framework na magtatakda ng mga pamantayan para sa pag-iwas, pagtugon, at pagbangon mula sa mga banta at insidenteng may kinalaman sa kaligtasan sa mga paaralan.
Upang maipatupad ang National School Safety Framework, nakasaad din sa panukalang batas na ito na magiging mandato sa ating mga paaralan ang pagbuo ng School Safety Plans.
Nitong nakaraang linggo, inaprubahan na rin ng Senado ang Senate Bill No. 2424 o ang Safe Media Access and Responsible Technology for Kids in Digital Spaces (SMART KIDS) Act, na naglalayong palakasin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral. Ipinagbabawal ng panukala ang paggamit ng social media at iba pang high-risk digital services ng mga batang wala pang 18 taong gulang.
Inaasahan nating tuluy-tuloy ang pagsasabatas ng dalawang panukalang ito para sa mas maayos na proteksyon ng ating mga mag-aaral.
- Latest




















