EDITORYAL — Protektahan mga maaapektuhan ng Pax Silica hub sa New Clark
NILINAW ng gobyerno kahapon (Setyembre 21) na mananatiling Philippine sovereign territory ang lugar na pagtatayuan ng Pax Silica hub sa New Clark City at walang diplomatic immunity ang mga dayuhang magtatrabaho rito.
Inaasahang maisasama ang probisyong ito sa governance framework na pipirmahan sa Nobyembre.
Mahalagang paglilinaw iyan. Pero hindi lang soberanya ang dapat kailangang linawin.
Kasabay ng anunsiyo, nagpahayag ng pangamba ang ilang miyembro ng Aeta Hungey community sa Capas, Tarlac tungkol sa posibleng epekto ng proyekto sa kanilang tirahan, kabuhayan at ancestral domain.
Ayon kay chieftain Petronila Muñoz, hindi pa malinaw sa kanila kung gaano kalawak na bahagi ng lupang ginagamit nila ang maaapektuhan.
Sinabi rin ni Muñoz na sinabihan umano silang maaari silang ilipat nang humigit-kumulang 16 kilometro at inalok umano ng P30 kada square meter para sa lupa, mga alegasyong hindi direktang sinagot ng BCDA sa naturang report.
Sinabi naman ng ahensiya na bahagi ng government property sa New Clark City ang lupang tinutukoy.
Hindi maliit ang ipinapangako ng Pax Silica. Nakatuon ito sa advanced manufacturing, semiconductors, artificial intelligence at iba pang high-tech industries.
Inaasahan din ng gobyerno na makakalikha ito ng malaking investment at libo-libong trabaho.
Pero hindi sapat na malaki ang investment kung malabo naman sa mga direktang maaapektuhan kung ano ang mangyayari sa kanilang lupa at kabuhayan.
Dapat malinaw ang mapa ng proyekto.
Dapat malinaw kung may relocation, compensation at proteksiyon sa ancestral-domain claims.
At higit sa lahat, dapat marinig ang mga komunidad bago gawin ang mga desisyong mahirap nang bawiin.
Kung kayang linawin ng gobyerno kung sino ang may soberanya sa Pax Silica, dapat kaya rin nitong linawin kung paano puprotektahan ang mga Pilipinong matagal nang nakatira sa lupang maaapektuhan nito.
Dapat pangalagaan ang mga taong noon pa man ay nasa lupain at doon na halos nakakita ng liwanag. Hindi dapat balewalain ang kanilang kalagayan. Mahalaga ang pag-unlad pero kung may masasakripisyong buhay at kinabukasan, balewala ang lahat.
- Latest



















