PISA 2025: Pag-angat sa kakayahan ng mga mag-aaral dapat ipagpatuloy
Nabalitaan natin ngayong linggo na tumaas ang marka ng Pilipinas sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA), isang international large-scale assessment na sumusuri sa kakayahan ng ating mga mag-aaral na 15 taong gulang.
Kung ating babalikan ang resulta ng 2018 PISA, Pilipinas ang may pinakamababang marka pagdating sa Reading, at pangalawang pinakamababa naman pagdating sa Mathematics at Science. Pagdating naman sa 2025 PISA, hindi na kasama ang Pilipinas sa sampung bansang may pinakamababang marka pagdating sa tatlong larangan.
Kung ihahambing naman sa resulta ng 2022 PISA, tumaas ng 17 puntos ang marka ng Pilipinas pagdating sa Science, 16 puntos pagdating sa Mathematics, at 20 puntos pagdating sa Reading. Lumabas din sa naturang international assessment na Pilipinas ang may pinakamabilis na pag-angat ng performance pagdating sa Reading.
Ikinagagalak natin ang balita na ito, lalo na’t ipinapakitang nasa tamang direksyon ang mga repormang sinimulan natin upang masugpo ang krisis sa edukasyon. Ngunit sa kabila ng magandang balitang ito, nananatili ang malaking hamon para sa atin.
Kung babalikan natin ang resulta ng 2025 PISA, lumalabas na hindi pa rin nakakamit ng karamihan ng ating mga mag-aaral ang minimum level of proficiency o ang inaasahang kakayahan at kaalaman para sa ating mga mag-aaral.
Pagdating sa Science, 32% ng ating mga mag-aaral ang nakitaang may minimum proficiency, 21% sa Math, at 31% pagdating sa Reading. Sa madaling salita, may pito o walong mag-aaral pa rin sa bansa ang hindi nakakamit ang minimum proficiency level na inaasahan para sa tatlong larangang nabanggit.
Kaya naman patuloy nating susuportahan ang mga programang tulad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) upang lalo pang iangat ang kakayahan at kaalaman ng ating mga mag-aaral. Ipagpatuloy natin ang ating sinimulan hanggang sa masugpo natin ang krisis sa edukasyon.
- Latest


















