Paglaya ni Bonoan hustisya o estratehiya?
Sa wakas, nakalanghap na ng sariwang hangin sa labas ng Camp Crame si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan. Ito ay matapos siyang alisin ng Sandiganbayan Fifth Division bilang akusado sa P573-milyong flood control scam na kinasasangkutan din ng ilang malalaking pangalan sa politika.
Ngunit habang nakangiting lumabas ng ospital ang dating kalihim, hindi naman magkamayaw ang publiko sa pagtatanong: Ito ba ay tagumpay ng hustisya, o isa na namang “magic” sa ilalim ng sistema?
Mabilis ang naging paliwanag ng batas: pinalaya si Bonoan dahil pumayag siyang makipagtulungan sa Ombudsman at magsilbing state witness. Sa madaling salita, gagamitin siya ng pamahalaan para ituro ang mga itinuturing na mas malalaking “buwaya” sa likod ng mga maanomalyang proyekto.
Ayon sa Ombudsman, layon nitong habulin ang mas matataas na opisyal at mga utak ng katiwalian. Subalit sa panig ng publiko, mahirap lunukin ang ganitong takbo ng kuwento. Sa mga diskusyon sa social media at sa mga usapang-kanto, ramdam ang matinding pagkadismaya at galit ng taongbayan. Ang karaniwang sentimyento: “Magnakaw ka ng bilyon, makulong ka lang nang sandali, maging state witness ka, laya ka na habang buhay-buhay ang pamilya mo sa nakaw na yaman.”
Paano nga naman magtitiwala ang publiko kung ang mga nakaupo sa poder ay tila may sariling batas, habang ang maliliit na magnanakaw ay nabubulok sa siksikang mga selda? Idagdag pa rito ang tila gasgas ng kuwento ng “hospital arrest”—na biglang gumagaling o nagiging “clinically stable” oras na lumabas ang release order. Hindi lang ang publiko ang umaalma. Maging ang kampo ng mga politikong tinatamaan ng imbestigasyon ay nagpahayag ng matinding pagkabahala.
Tinawag ng kampo ni dating Speaker Martin Romualdez na “alarma, nakagugulat, at nakababahala” ang hakbang na ito. Giit nila, walang matibay na ebidensyang nag-uugnay sa mambabatas sa anomalya, at tila pinuwersa lamang si Bonoan upang mag-imbento ng kuwento kapalit ng kanyang kalayaan. Ang Palasyo naman, mabilis na naghugas-kamay at dumistansya sa isyu, sabing desisyon ito ng hudikatura at hindi ng ehekutibo.
Kung magiging epektibo si Bonoan sa paglalantad ng tunay na ugat ng bilyon-bilyong korapsiyon sa flood control na nagpapahirap sa milyun-milyong Pilipino tuwing uulan, baka mapatawad siya ng kasaysayan. Ngunit kung ito ay gagamitin lamang bilang sandata sa politikal na gantihan habang ang bilyong nawalang pondo ay tuluyan nang hindi mababawi, lalo lamang nitong papatunayan na ang hustisya sa Pilipinas ay para lamang sa mga may kapangyarihan.
Abangan natin ang susunod na kabanata.
- Latest


















