^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Kailangan pa ng ‘padrino’para makahingi ng tulong

Pilipino Star Ngayon

NOONG nakaraang Agosto 21, 2026, naglabas ang Department of Budget and Ma­nagement (DBM) ng P27.4 bilyon para sa Me­dical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP).

Layunin nitong tulungan ang mga Pilipinong hirap tustusan ang pagpapaospital, gamot, emer­gency treatment at iba pang gastusing medikal.

Malaking halaga ito para sa isang progra­mang maaaring maging sandalan ng mga pa­milyang Pilipino na may medical emergencies.

Pero kasabay ng paglalabas ng bilyun-bil­yong piso, mahalagang itanong: gaano kadali at kapantay ang pagkuha ng tulong?

Nang buwan ding iyon (Agosto 11), nagreklamo si Sen. Pia Cayetano na hindi na umano tinatanggap ang recommendations ng minority senators para sa MAIFIP, habang may ibang senador na pinapayagan pa ring gumawa nito.

Pero baka maling tanong kung bakit hindi lahat ng senador ay puwedeng mag-recommend. Dahil ang mas mahalagang tanong: bakit kailangan pa ng recommendation na manggaga­ling sa mga pulitiko?

Sa 2026 national budget, isinama ang “anti-epal” provision upang ilayo ang mga pulitiko sa pamamahagi ng government financial assistance. Sakop nito ang MAIFIP at iba pang ayuda programs.

Malinaw ang prinsipyo: ang tulong ng gob­yerno ay hindi dapat magmukhang personal na pabor ng isang pulitiko.

Hindi na rin kailangan ang dating guarantee letter mula sa elected officials para makatanggap ng MAIFIP assistance. Kung ganoon, bakit nananatiling mahalaga kung sino ang maaaring magbigay ng recommendation?

Kung kailangan talaga ito, may panganib na ang access sa tulong ay maimpluwensiyahan ng koneksiyon sa pulitika.

Mismong DBM ang nagsabing nais nitong gawing mas simple at accessible ang paghingi ng tulong, kabilang ang paggamit ng eMAIFIP sa eGovPH superapp.

Ang pasyenteng may sakit ay hindi dapat kailangang mag-ikot sa mga opisina, humingi ng endorsement o lumapit sa mga pulitiko bago makatanggap ng tulong.

Ang P27.4 bilyon ay pera ng bayan. Dapat ma­karating ito sa pasyente batay sa panganga­ilangan, hindi sa koneksiyon o kaya’y kailangan pang magmakaawa sa mga inihalal sa puwesto. Hindi na dapat pumila ang mga pasyente para lamang makakuha ng tulong.

Hindi dapat pag-awayan ng mga pulitiko kung sino ang puwedeng maging “padrino”. Ang tunay na reporma ay isang sistemang hindi na kailangan ng mga “padrino” para makakuha ng tulong.

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with