Tsinador: Una pang tatalas ang isip ng unggoy kaysa kay Robin
KASABAY ng pagdiriwang ng buong bansa sa ikasampung anibersaryo ng ating makasaysayang tagumpay sa Permanent Court of Arbitration, na kumilala sa ating karapatan sa West Philippine Sea at bumasag sa pekeng nine-dash line claim ng China, naglabas ang state media ng Beijing ng isang video na inihahambing ang mga Pilipino sa mga unggoy.
Agad itong kinondena ng halos lahat, mula kina Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro at Philippine Coast Guard (PCG) Rear Admiral Jay Tarriela, hanggang sa Department of Foreign Affairs (DFA), mga mambabatas, at civil society group sa pangunguna ng Atin Ito Coalition.
Tinawag ni Atin Ito co-convenor Rafaela David na isang “racist propaganda” ang video. Aniya, ipinapakita lamang nito kung gaano ka-isolated ang China sa international community sa usapin ng West Philippine Sea at kung paanong wala na itong maiharap na matinong argumento.
Pero sa lahat ng reaksyon, ang kay Senator Robin Padilla ang pinaka-kapansin-pansin. Hindi raw siya sang-ayon sa video ng China, pero binaling niya ang sisi kay Tarriela. Ayon kay Robin, kung hindi raw unang bumatikos si Tarriela, hindi raw gaganti ang Beijing. Pinayuhan pa niya ang China na huwag tularan si Tarriela. Mas malala, sinabi niyang galing naman daw tayong lahat sa mga unggoy, na para bang mas ipinagtatanggol pa niya ang propaganda ng China kaysa sa dangal ng mga Pilipino.
Tama ang bwelta ni Tarriela. Kapag tumitindig siya laban sa panggigipit ng China at nasasaktan ang damdamin ng Beijing, gusto ni Robin na siya ang mag-sorry. Pero nang China na mismo ang lantarang nang-insulto sa mga Pilipino, ni minsan ay hindi niya nagawang manawagan na humingi ng paumanhin ito. Astang tigasin, pero malambot sa mananakop. Bad boy sa mga Pilipino, good boy sa Tsinang amo.
Hindi na ito nakakagulat sa isang Tsinador, nagpapanggap na makabayan pero sa totoo, isang dakilang traydor. Sa baluktot na pangangatwiran ni Robin, baka mauna pang tumalas ang isip ng mga unggoy kaysa sa senador na ito.
Sa ngalan ng ating mga mangingisda at mga frontliner na nagtatanggol sa ating karagatan, buong tatag nating labanan ang agresyon ng China at ang mga Tsinador na pinipiling ipagtanggol ang dayuhan kaysa sa sariling bayan. Ang laban para sa West Philippine Sea ay laban para sa ating soberanya, dangal, at kinabukasan bilang isang bansa. Atin ito!
- Latest


















