EDITORYAL — Fuel subsidy ipagkaloob na

INIHAYAG ni U.S. President Donald Trump ang ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran noong Martes ng umaga. Pero hindi pa natutuyo ang laway ni Trump, muli na namang nagbanatan ang Israel at Iran. Galit na galit si Trump sa nangyari. Sumira raw sa usapan ang dalawang bansa. Wala pang inihahayag kung saan patungo ang inilatag na ceasefire ni Trump. Kahapon, nagpaulan ng missile ang Iran sa embahada ng U.S. sa Qatar. Sa isang radio interview sa isang nurse na Pinay, nagulat sila at labis na nahintakutan nang makita ang mga bumabagsak na bomba sa U.S. Embassy. Ayon sa Pinay wala umano silang nalalaman kung bakit pati ang Qatar ay napasali sa iringan ng Israel at Iran. Naganap ang pag-atake sa U.S. Embassy sa Qatar, isang araw makaraang bombahin ng U.S. ang tatlong nuclear facilities sa Iran. Sabi ng U.S. napulbos nila ang nuclear weapons ng Iran. Pero sabi ng Iran, maliit lang ang damage sa kanilang pasilidad.
Bagama’t inihayag ni Trump ang ceasefire sa pagitan ng Israel at Iran, nagpapatuloy pa rin ang repatriation ng OFWs sa Israel. Nasa mahigit 200 na ang nagpaabot ng kahilingan sa OWWA at Department of Migrant Workers (DMW) na gusto na nilang umuwi. Natatakot na sila sa sunud-sunod na pagpapaulan ng missiles ng Iran.
Sa nangyari na binalewala ng Israel at Iran ang ceasefire na inilatag ng U.S. maaaring magtuluy-tuloy pa ang labanan ng dalawang bansa. Malayo pa sa tunay na pagkakasundo.
Ang labis na apektado sa gulo ng Israel at Iran ay ang mga mahihirap na bansa na umaasa sa langis gaya ng Pilipinas. Kahapon, umabot sa P5.25 bawat litro ng gasolina; P7.80 sa diesel at P7.20 sa kerosene. Para hindi mahirapan ang mga motorista, hinati ang presyo ng mga produktong petrolyo. Pero sabi ng mga drayber ay ganundin ang epekto. Walang pagkakaiba. Ang hinihiling ng PUV drivers ay pagkalooban sila ng fuel subsidy o kaya’y suspindihin ang excise tax sa petroleum products. Pero sabi ng Department of Energy (DOE) malabong suspendihin ang excise tax.
Sabi ng Department of Transportation (DOTr) inihahanda na ang guidelines para sa pamamahagi ng P2.5 bilyong fuel subsidy na inilaan ng pamahalaan sa mga apektado ng pagtaas ng langis. Sabi ni DOTr Secretary Vince Dizon, matatanggap na umano ang fuel subsidy. Nanawagan si Dizon sa mga operator at mga transport group na huwag namang magprotesta dahil paparating na ang tulong.
Apurahin sana ang fuel subsidy. Kawawa naman ang mga apektadong drivers na halos wala nang kinikita sa pamamasada. Madaliin ang pamamahagi.
- Latest