Bagong kurso sa kolehiyo: pagma-mayor de edad
“PAGMA-MAYOR DE EDAD”. Nauusong kurso ‘yan sa kolehiyo para sa seniors at post graduates sa maraming bansa. Ang itinuturo ay mula sa pinakasimpleng pagsisinulid ng karayom o pagpapalit ng pumutok na fuse, hanggang sa kumplikadong pag-file ng income tax returns o pagpili ng investment plan sa banko. “Adulting” ang tawag sa Ingles.
Mga estudyanteng Gen Z mismo ang humiling ng pagtuturo ng subject na ito. At naintindihan naman agad ng deans at professors kung bakit.
Ang mga Gen Z ay ipinanganak nu’ng 1995-2012. Edad 13-30 na sila ngayong 2025. Lumaki sila sa gadgets. Edad 3 pa lang ay marunong na mag-Youtube, computer games, video call, at gumaya sa napapanood na sumayaw.
Pero para sa mga magulang nila, wala silang natutunang “life skills” o mahahalagang kaalaman sa buhay. Natatawa ang mga Gen Z sa ganu’ng pagmamaliit. Ang tingin nila sa mga magulang, lolo at lola nila ay parang mga bobo na hindi man lang marunong mag text, call, picture, o mag-save ng retrato gamit ang mobile phone.
Ilan sa mga paksa sa adulting na pambabae ay kung paano magmake-up at magluto. Para sa lalaki ay kung paano manligaw nang harapan imbis na sa text, at simpleng pag-ayos ng gripo.
Mahalaga sa babae o lalaki kung paano magdamit sa job interview, o makihalubilo sa corporate executives.
Kuwento ni Ms. Rellzah Magsumbol, Gen Z co-host ko sa Sapol radio show, iba kasi ang kinalakihan nilang mundo.
Sanay sila sa online food deliveries, wala nang lutong-bahay. Pati groceries pinapa-deliver imbis na mamalengke sila. Hindi marunong magmaneho, kasi madaling mag-ride hailing. Hindi sanay sa tax, accounting, at makitungo sa executives kasi karamihan sa kanila ay freelance. Pero hanggang ngayon, kumokopya pa rin sila ng sayaw.
- Latest