^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Mga ‘buwaya’ sa NAIA

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Mga ‘buwaya’ sa NAIA

MARAMING beses nang tinawag na “worst airport” ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) dahil sa mga hindi magandang pangyayari na nararanasan ng mga pasaherong dumarating at umaalis sa bansa.

Noong nakaraang taon nakaranas ng blackout ang NAIA at naatrasado ang pagdating at pag-alis ng mga eroplano. Maraming pasahero ang banas na banas sa nangyari.

Naging isyu ang mga ipis sa mga upuan sa NAIA na nakunan pa ng mga larawan ilang taon na ang nakararaan. May mga nangyaring pagnanakaw sa mga alahas ng asawa ng diplomat. Sino ang hindi makalilimot sa “tanim-bala” modus sa NAIA?

Noong nakaraang Marso, isang pasaherong babae na patungong Zamboanga City ang nakitaan umano ng bala sa bagahe nito. Pumalag ang babae at sinabing walang bala sa kanyang dala-dalahan. Hinalungkat ang bagahe ng babae at walang nakitang bala. Sinibak agad ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang tatlong security personnel ng OTS. Nagbanta si Dizon na mananagot ang mga gumagawa ng tanim-bala. Sa ngayon, natigil na ang tanim bala.

Pero sa pagtigil ng tanim-bala, panibagong modus na naman ang sumingaw—ang “overcharging” na ginagawa ng accredited taxis sa mga pasahero. Ito ang maliwanag na lantarang panghoholdap sa mga pasahero. Napakasamang gawain na lalong magpapababa sa pagtingin sa NAIA. Imagine, kung sa pagsakay ng dayuhang turista sa mga taxi na nasa airport ay tatagain na sila ng sobra. Nakakahiya ito! Paano pa babalik sa bansa ang mga dayuhan kung hoholdapin sila sa airport pa lamang.

Nararapat lamang ang agarang aksiyon ni DOTr Secretary Dizon na buwagin ang special accredited taxis sa NAIA. Ito ang tamang paraan para hindi na makapambiktima ang mga “buwayang” taxi drivers.

Nadiskubre ni Dizon ang 60/40 na hatian at sabwatan sa pagitan ng mga mapagsamantalang driver ng special accredited taxis sa pag-pick-up ng mga pasahero na nabiktima ng overcharging. Ayon kay Dizon, isang pasahero ang nagreklamo na siningil siya ng P5,000 mula NAIA terminal 1 patungo sa terminal 2 noong Hunyo 19. Isang taxi driver ang naaresto at ito ang nagbunyag sa sabwatan ng mga katulad niyang driver at mga airport police.

Limang airport police ang sinibak dahil sa extortion scheme. Marami pa umanong airport police ang kasangkot at iniimbestigahan na. Sabi naman ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), na nag-imbestiga na rin sila sa insidente ng overcharging.

Lipulin ang mga “buwaya” sa NAIA para hindi matakot ang mga bisitang dayuhan at turista. Masasayang ang pagsisikap ng pamahalaan kung hindi ito malulunasan.

NAIA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with