Ha-ha-haching! Lumalala ang allergic rhinitis
UNANG na-diagnose ang hay fever nu’ng siglo-1800 sa London. Napansin ng mga doktor na maraming hinahaching tuwing April. ‘Yon ang panahon na namumulaklak ang mga damuhan at kahuyan, kaya kumakalat ang pollen.
Allergic rhinitis ang tawag ngayon sa hay fever. Naa-allergy ang isa sa bawat limang tao sa pollen. Nati-trigger ang histamine. Una, namamaga ang mata at naluluha ang inatake. Tapos, bahin nang bahin. Kung minsan pati dibdib ay naninikip at ang baga ay namamaga kaya hirap huminga.
Mabisa ang mga antihistamine na tableta o nasal spray. Kung mas malala, kailangan ay ineksiyon. Nakakaantok nga lang. Nagugulo ang trabaho o pag-aaral; bawal magmaneho o mag-operate ng makina.
Dahil sa climate change, hindi lang isang buwan nagdurusa ang mga may allergic rhinitis. Sa maraming bansa ngayong May, June at July ay makapal pa rin ang pollen at alikabok sa hangin. Nakakadagdag pang-triggers ang balahibo o dumi ng aso’t pusa. Pati insekto ay malaking gambala.
Sa Japan ang solusyon ay bawasan ang puno na nagkakalat ng pollen tuwing summer. Ekta-ektaryang bukirin at gubat ang pinapalitan ng ibang shrubs at puno na kasing tibay pero halos walang pollen.
Sana gayahin sa Pilipinas ang ehemplo ng Japan. At sana magsipag ang mga opisyales ng barangay sa paglipol ng mga aso’t pusang gala na kung saan-saan nagdurumi. Dapat mabawasan ang sakit na cholera, hindi lang allergic rhinitis.
At kung sakaling dumami pa ang may allergic rhinitis sa mundo, malamang mag-imbento ng bakuna kontra rito.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest