Lalaki na sobrang singkit, laging nag-aalarma ang Smart car dahil akala’y tulog siya habang nagda-drive!
ISANG motorista mula sa Zhejiang, China ang nag-viral online matapos ibahagi ang kanyang kakaibang karanasan sa bagong bili niyang Xiaomi SU7 Max, isang high-end na electric smart car. Laging umaalarma ang “driver fatigue warning system” ng sasakyan dahil akala ng system ay nakapikit siya pero likas lang na sobrang singkit ng kanyang mga mata!
Ayon kay Mr. Li, madalas siyang nakakatanggap ng audio at visual na babala habang nagmamaneho, na nag-uutos sa kanya na mag-focus at maging alerto. Hindi raw siya antok o distracted, ngunit paulit-ulit na umaalarma ang paalala, pati na rin ang mensaheng “Focus on driving, pay attention to safety” sa dashboard.
Kalaunan, napansin niyang tuwing ibubukas niya nang todo ang mga mata, nawawala ang warning. Pero kapag itinigil niya ang pandidilat, muling tumutunog ang babala. “Mukhang dahil sobrang singkit ng mata ko, akala ng kotse ay inaantok na ako,” aniya sa isang viral video.
Ang insidente ay hindi lang pala si Mr. Li ang nakakaranas nito. Marami pang ibang Chinese netizens ang nagkomento na naranasan din nila ang parehong problema sa iba’t ibang Chinese car brands gaya ng Lynk & Co at Deepal.
Maging ilang Xiaomi SU7 owners ay nag-ulat na nagreklamo rin sila sa manufacturer ukol sa isyung ito.
Naglabas ng pahayag ang Xiaomi at nilinaw na ang insidente ay dulot ng “fatigue monitoring” feature ng SU7 Max. Ang system ay gumagamit ng camera sa manibela upang bantayan kung alerto pa ba ang driver.
Kapag napagkamalang inaantok o hindi nakatingin sa daan, awtomatikong nagbibigay ito ng babala at kung hindi tutugon sa babala ng kotse, puwedeng pabagalin at patigilin mismo ang takbo nito.
Idiniin ng Xiaomi na puwedeng i-off ang monitoring feature sa settings, ngunit hindi ito nirerekomenda dahil sa kaligtasan.
Sa kabila nito, naging sentro ng diskusyon sa social media ang isyu, lalo na para sa mga Chinese na likas na singkit ang mga mata na ngayon ay nagiging hamon ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa sasakyan.
- Latest