Halaga ng bahurang winawasak, isdang ninanakaw ng China
Nu’ng 2024 mahigit 14 China Maritime Militia trawlers ang naghalinhinan wasakin ang Rozul (Iroquois) Reef at Escoda (Sabina) Shoal sa Recto (Reed) Bank. Mahigit 12,000 ektaryang corals ang tinibag, ngitngit ni Climate Change Commissioner Albert Dela Cruz.
Noon pang 2019 inulat ni UP Marine Science Institute Prof. Deo Florence Onda, PhD, ang 550 ektaryang bahura sa Bajo de Masinloc at 1,300 ektarya sa Kalayaan (Spratlys).
Itlugan at tirahan ng isda ang bahura, sanhi ng buhangin, at ang nagagamit sa bagong gamot. Saliksik ng Dutch analytics company Elsevier na ang halaga ng bawat coral reef ecosystem ay $353,429, o P18 milyon kada ektarya kada taon.
Sa pagwasak ng China sa Rozul at Escoda, nawalan ang Pilipinas ng P216 bilyon kada taon. Sa pagsira sa Bajo de Masinloc at Kalayaan, dagdag pang P33.1 bilyon ang nawala kada taon.

Sa paglalaspag ng West Philippine Sea, 5 percent ng komersiyal na huli ang bumabagsak kada taon. Nagsimula ito nu’ng 2012 nang agawin ng China ang Bajo de Masinloc.
Nung 2024, 60 hanggang 80 percent na ang ibinaba ng huli, ani UP Institute of Biology Prof. Jonathan Anticamara, PhD. Nauna ron, 2019, inulat ni environment lawyer Asis Perez na 7.2 milyon kilo ang isdang ninanakaw ng China kada buwan.
Maski kalahati lang ng presyo nu’n ang kwentahin, ani Perez, P720 milyon ang nawawala sa Pilipinas kada buwan, o P8.64 bilyon kada taon.
Naghirap ang 350,000 komersiyal na mangingisda sa West Philippine Sea.
Nabawasan pa ang lamang dagat na pangunahing sanhi ng protein at iodine ng Pilipino.
Pilit pinagtatakpan lahat ng ito ng mga lokal na propagandista ng Communist China.
- Latest