May pagkukulang ang sistema
NAKAHIHIYA ito. Isang senador ng Pilipinas ang nag-share ng isang panayam ng dalawang mag-aaral na nagpahayag kung bakit hindi nila suportado ang impeachment kay Vice President Sara Duterte. Lumabas na hindi naman totoo ang panayam kundi Artificial Intelligence (AI) generated.
Kaya pinagtatawanan ngayon si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sa kanyang pag-share ng nasabing video, at nakuha pang sabihin na “Mabuti pa ang mga bata, nakakaintindi sa mga pangyayari. Makinig kayo, mga yellow at mga komunista!” Sigurado walang nakikinig na “yellow at komunista” dahil hindi nga totoo.
Hindi man lang nakuhang alamin kung totoo ang nakitang panayam ni Senador Bato. Ang nakita lamang ay sang-ayon siya sa sinabi ng mga “mag-aaral” kaya agad kinalat ang video.
Ito ang mahirap ngayon. Napakadaling magkalat ng maling impormasyon sa pamamagitan ng internet. Ang sa akin lang, sana, inaalam muna kung totoo ang nababasa sa internet bago ikalat. May staff naman siya para alamin kung totoo o hindi. May panunuya pa siya sa mga katunggali. Siya lang naman ang napahiya rito.
Nais ko ring itanong kung paano siya magiging patas na senator-judge sa kaso ng impeachment laban kay Sara kung malinaw ang kanyang katapatan sa pamilya Duterte? Naghain nga siya ng mosyon na i-dismiss ang impeachment. Kaya kung matuloy ang pagdinig ng kaso, sigurado sa simula pa lang may desisyon na iyan na walang-sala.
Hindi na niya kailangang makinig sa laki ng ebidensiyang ihahain ng prosekyusyon. At hindi lang siya ang may malakas na katapatan sa pamilya Duterte. May nagpahayag na nga na kung siya’y susunugin ay mangangamoy Duterte pa rin siya. May mga nais na ngang gawin ito. Ito ang mga magiging huwes sa pagdinig ng impeachment laban kay Sara? Parang may pagkukulang ang sistemang ‘yan.
- Latest