EDITORYAL — Kulang ang classrooms at pati mga guro

BUKAS magbubukas ang school year 2025-2026 sa mga pampublikong eskuwelahan sa buong bansa. Ito ang unang pagkakataon na nagbalik sa Hunyo ang pasukan sa halip na Setyembre. Ibinalik sa Hunyo ang school calendar dahil sa nararanasang init kung Abril at Mayo na nasa eskuwelahan ang mga bata. Sa bagong school calendar, magsisimula ang pasukan ng Hunyo 16, 2025 at matatapos ng Marso 31, 2026.
Sa pagbubukas ng klase bukas, dalawang problema ang kinakaharap ng Department of Education (DepEd)—una, ang kakulangan sa classrooms at ang ikalawa, kakulangan sa mga guro. Ang dalawang problemang ito ay noon pa namamayani at sa kabila na may malaking budget ang DepEd para sa pagpapagawa ng mga eskuwelahan at pag-hire sa mga guro, nananatili pa rin at hindi masolusyunan ang dalawang problema. Ang apektado sa mga problemang ito ay ang mga estudyante mismo. Malaki ang kaugnayan ng pagiging mahina ng mga estudyante sa aralin sa kakulangan ng classrooms at guro. Kung nagsisiksikan na parang sardinas ang mga estudyante, paano sila makakapagpokus sa aralin.
Apektado rin sila kung kulang ang guro. Mayroong mga guro na maraming subjects na hinahawakan kaya halos siya na lamang ang nakikita ng estudyante sa buong araw.
Sa mga nakaraang pagbubukas ng klase, karaniwan na ang tanawin na mayroong nagdaraos ng klase sa lobby ng school, sa comfort room na ginawang classroom at mayroong nagkaklase sa ilalim ng punongkahoy. Posibleng mangyari na naman ang senaryong ito kung hindi makagagawa ng paraan ang pamahalaan. Malaking problema para sa mga estudyante ang pagsisiksikan sa classroom.
Sa isang eskuwelahan sa Bulacan, problema ang naghihintay sa mga estudyante sa pagpasok bukas sapagkat sa hagdan sila uupo dahil pagkakasyahin ang 50 estudyante sa maliit na classroom. Wala silang pagpipilian kundi maupo sa hagdan.
Tinatayang 27.6 milyon ang mga estudyanteng papasok bukas sa mga eskuwelahan sa buong bansa. Ang kakulangan sa classrooms ay tinatayang 65,000. Malaking problema pa rin kung saan magdaraos ng klase ang mga estudyante. Kulang naman ng 30,000 ang mga guro.
Ang kakulangan ng classrooms at guro inamin naman ni DepEd Sec. Sonny Angara. Tinutugunan na umano ito. Wala raw tigil ang pagpapagawa nila ng school buildings subalit talaga lamang mabilis dumami ang mga nag-aaral na bata. Patuloy din umano ang pag-hire ng mga bagong guro.
Sana sa mga susunod na school year, wala nang problema. Magawa sana ito ng DepEd. Higit sa lahat, magkaroon ng kalidad ang edukasyon. Hindi na kulelat sa Math, Science at Reading Comprehension ang mga bata.
- Latest