Lalaki sa U.S., nagpanggap na flight attendant para makasakay nang libre sa eroplano!
NAHAHARAP ngayon sa mabigat na parusa ang isang lalaki matapos mabisto ang matagal niyang modus kung saan nakapag-book siya ng higit 120 plane tickets mula sa iba’t ibang airline sa U.S.
Kinilala ang suspek na si Tiron Alexander, 35, na napatunayang guilty sa kasong wire fraud at iligal na pagpasok sa secure area ng paliparan.
Batay sa ulat ng U.S. Attorney’s Office ng Southern District of Florida, simula 2018 hanggang 2024, ginamit ni Alexander ang mga online ticketing system ng iba’t ibang airline para magpanggap na flight attendant at piloto.
Gamit ang iba’t ibang pekeng impormasyon, kabilang ang badge number at date of hire para makapag-book ng mga libreng flight na tanging para lamang sana sa mga crew ng eroplano.
Nabatid sa imbestigasyon ng mga awtoridad na nakalipad nang libre si Alexander ng hindi bababa sa 34 na beses. Sa kabuuan, mahigit 120 flights ang na-book niya gamit ang iba’t ibang airline accounts at maling credentials.
Ngunit nilinaw ng Transportation Security Administration (TSA) na sumailalim pa rin si Alexander sa mga karaniwang security check gaya ng ID verification at physical screening bago makasakay ng eroplano.
Anila, wala itong direktang banta sa kaligtasan ng ibang pasahero, ngunit seryoso pa rin nilang tinutugis at pinaparusahan ang ganitong uri ng panloloko. “TSA remains dedicated to the security of the flying public and will continue to support the prosecution of those who break air travel laws,” ayon sa pahayag ng ahensya.
Napag-alaman ng mga imbestigador na si Alexander ay dating empleyado ng isang airline na nakabase sa Dallas mula 2015, ngunit hindi siya kailanman nagtrabaho bilang piloto o flight attendant.
Mula 2018 nagsimula ang kanyang modus, at tumagal ito hanggang February 2024 nang siya ay mahuli at maaresto sa California. Ang kanyang indictment ay isinampa sa Florida.
Ayon sa mga prosecutor, si Alexander ay nahatulan ng apat na bilang ng wire fraud at isang bilang ng iligal na pagpasok sa secure area ng paliparan. Ang bawat bilang ng wire fraud ay may parusang hanggang 20 taon ng pagkakakulong, samantalang ang iligal na pagpasok sa airport ay 10 taon na pagkakakulong.
Nakatakdang maglabas ng pinal na hatol sa August. Sa ngayon, wala pang pahayag ang mga abogado mula sa public defender’s office na humawak sa kanyang depensa.
- Latest