High school graduate nga pero mangmang pa rin
NAKABABAHALA ang nadiskubre ng Philippine Statistics Authority: 21 percent ng high school graduates nitong nakaraang anim na taon, 2019-2024, ay “functional illiterate”.
Ibig sabihin nito 19 milyong kabataan edad 18-23 ay marunong nga bumasa ng English o Pilipino pero hindi naman naiintindihan ang simpleng pahayag.
Sa madaling salita, kaya nila basahin ang artikulong ito. Pero hindi nila magagagap ang pinatutungkulan ko.
Bakit sila naging functional illiterate bagama’t nakapagaral ng 13 taon - Kindergarten tapos Grades 1-12? Kasi pulpol ang utak, sakitin, kulang sa classrooms, mahihina ang teachers, walang kuwenta ang textbooks, at higit sa lahat mangmang din ang magulang.
Bakit ganu’n ang sinapit nilang kapalaran? Kasi dinambong ng mga politiko ang pondo para sa nutrisyon, edukasyon, paaralan, pagsasanay ng teachers, at pag-akda ng matitinong textbooks. Higit sa lahat, nagpasuhol ang magulang nila para ihalal ang tiwaling politiko.
Sa unang 1,000 araw ng bata - mula pagkabuntis hanggang edad 2 - dapat pinupog ng sustansya ang katawan at utak. Kung walang iodine, vitamins, at minerals, kurtado ang utak at ang katawan ay bansot, payat, at putot.
Kung gutom, masakit ang ngipin, at kinukuto ang bata, hindi ito makaka-concentrate sa itinuturo sa klase.
Kung nagbebenta ng boto ang magulang nila, immoral din ang napupulot nilang aral.
Bumoboto na ang 19 milyong functional illiterates. Ang mga niluklok nila ang mismong magnanakaw ng pondong dapat ay sa kanila.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM)
- Latest