Panahon ng pagsusuri hindi paghatol
ANG kredibilidad ng anumang institusyon ng pamahalaan ay hindi nasusukat lamang sa laki ng pondong ipinagkakatiwala rito, kundi sa kung paano ito ginagamit nang may pananagutan, transparency, at alinsunod sa mga umiiral na patakaran.
Sa harap ng mga ulat na may kaugnayan sa Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), marapat lamang na maging bukas tayo sa isang masusing pagsusuri.
Batay sa mga napaulat na impormasyon, umano ay may isang transaksyon noong Marso 7, 2025 kung saan inilabas ang halagang P1.7 bilyon para sa Learner’s Kits at Teacher’s Kits sa loob lamang ng isang araw.
May mga naglalabasang pahayag mula sa loob ng institusyon na nagsasabing hindi ito dumaan sa mga karaniwang panuntunan ng rebyu, partikular sa Finance Division ng ahensiya?
Kung totoo ang mga ito, nararapat lamang na bigyang-pansin ito ng mga ahensiyang may mandato sa pag-audit at imbestigasyon upang mapanumbalik ang tiwala ng publiko.
Ang MBHTE, sa ilalim ng pamumuno ni Minister Mohagher Iqbal ay may hawak ng pinakamalaking bahagi ng regional budget—halos isang-katlo o P36 bilyon para sa taong ito. Sa laki ng pondong ito ay kaakibat ang mas mataas na inaasahan mula sa publiko ukol sa maayos, makatarungan, at tapat na pamamahala.
May mga ulat din na ilang programa ng ahensya ay naapektuhan umano ng mga personal na konsiderasyon, kabilang ang umano’y pagkansela ng mga training sessions para sa mga guro dahil sa isyu sa pagpili ng venues? Bagama’t hindi pa ito beripikado, ito ay muling naglalantad ng pangangailangan para sa isang masinop at patas na sistema sa pagbuo at pagpapatupad ng mga programa.
Sa halip na agarang maglabas ng hatol o akusasyon, mas nararapat na pairalin ang prinsipyo ng due process. Mainam na magkaroon ng pormal at patas na imbestigasyon ng mga kinauukulang institusyon gaya ng Office of the President at Commission on Audit, upang masuri ang mga isyung ito nang naaayon sa batas.
Ang layunin ng ganitong pagsusuri ay hindi upang dungisan ang pagkatao ninuman, kundi upang tiyakin na ang mga institusyong responsable sa edukasyon ay patuloy na gumaganap sa kanilang tungkulin nang may integridad, propesyonalismo, at pananagutan.
Sa huli, ang tunay na layunin ng ganitong diskurso ay ang mapalakas pa lalo ang tiwala ng mamamayan sa pamahalaan. Isang tiwalang nagmumula sa malinaw na pamamalakad, bukas na pamamahala, at di-matatawarang pagnanais na paglingkuran ang bayan.
- Latest