Mga doktor sa China, nagbabala sa delikadong ‘sleeping hack’ na viral sa Chinese netizens!
NAGBABALA ang mga eksperto sa kalusugan matapos maging viral sa Chinese social media ang kakaibang “sleeping hack” sa Shenyang, China, kung saan ilang matatanda ang nakikitang lumalambitin gamit ang isang belt sa kanilang leeg sa mga parke para raw masolusyunan ang problema sa pagtulog at pananakit ng gulugod.
Sa mga kumakalat na video online, makikita ang ilang senior citizens na gumagamit ng tinatawag na cervical traction device, isang U-shaped na belt na isinusuot sa baba at isinasabit sa mga bar ng playground o puno.
Pagkatapos, dahan-dahan silang lumalambitin, na para bang nagpapakalma ng katawan bago matulog. Ayon sa ilan, nakakatulong daw ito sa kanilang insomnia, pananakit ng leeg, at iba pang sintomas ng cervical spondylosis.
Ang inventor nito na si Sun Rongchun, ay nagsabing ginamit niya ito para sa sarili niyang cervical spondylosis. Nang mapansin niya ang epekto, nagpasya siyang ipakilala ito sa publiko at araw-araw na naglalagay ng libreng demo sa parke.
Bagama’t marami ang naniniwala sa bisa ng “hack” na ito, matindi naman ang babala ng mga doktor at physical therapists.
Ayon kay Rosie Osmun, isang certified sleep science coach, at kay Dr. Jennifer Miller, physical therapist, lubhang mapanganib ang pagsabit ng leeg gamit ang ganitong kagamitan.
Anila, hindi biro ang puwedeng mangyari: puwedeng mauwi ito sa pagkaparalisa, permanenteng nerve damage, stroke, o kahit biglaang pagkamatay kapag napulupot nang mali ang belt.
Naitala na ang isang insidente ng pagkamatay matapos magkamali ang isang lalaki sa paglalagay ng belt kung saan imbes na sa leeg sa ilalim ng baba ito isinuot na naging sanhi ng pagkatigil ng daloy ng dugo sa utak.
Ipinaliwanag ng mga eksperto na ang medical traction, na ginagamit sa mga ospital, ay kinakailangan ng tamang sukat at kontroladong puwersa. Hindi umano sapat na mag-eksperimento lang sa mga parke dahil walang sapat na gabay at maaaring lumala pa ang kondisyon.
Dagdag pa ng mga eksperto, marami namang ligtas na alternatibo at siyentipikong pamamaraan para makatulog ng mahimbing, gaya ng pag-a-adjust ng sleeping habits, relaxation techniques, o konsultasyon sa doktor.
Paalala ng mga eksperto: hindi lahat ng trending online ay ligtas sundan. Mahalagang unahin ang kaligtasan kaysa sumabay sa uso, lalo na kung buhay at kalusugan na ang nakataya.
- Latest