EDITORYAL - Palayain sa korapsiyon, kahirapan at kabobohan

Ngayon ang ika-127 anibersaryo ng paglaya ng Pilipinas sa mga Kastila matapos sakupin sa loob ng 400 taon. Idineklara ni Gen. Emilio Aguinaldo ang kalayaan sa balkonahe ng kanyang bahay sa Kawit, Cavite.
Subalit ang paglaya sa Spain ay sandali lamang sapagkat nasakmal agad-agad ang bansa ng mga nakaabang na Amerikano. Pagkatapos ng mga Amerikano, sinakop din ang bansa ng mga Hapones. Makalipas ang tatlong taon—binawi rin naman ng mga Amerikano sa Hapon ang Pilipinas.
Tatlong bansa ang sumakop sa Pilipinas. Pagkatapos ng tatlo may panibago pang sumakop sa Pilipinas na hanggang ngayon ay hindi pa nakalalaya ang mga Pilipino. Ang tatlo ay ang korapsiyon, kahirapan at kamangmangan (3Ks). Ang 3Ks ay mas matindi pa sa ginawa ng tatlong bansang sumakop sa bansa. Sa tatlong bansang mananakop, nakipaglaban ang mga magigiting na Pilipino para makalaya. Nagbuwis sila ng buhay para makalaya ang bayan.
Taliwas naman sa 3Ks na kalaban ngayon ng mamamayan na hindi mapatay-patay o malipol. Patuloy ang 3Ks na nakaaapekto sa pag-unlad ng bansa.
Patuloy ang korapsiyon sa maraming tanggapan ng pamahalaan. Mababanggit ang Bureau of Immigration na ngayon ay niyayanig ng korapsiyon na maski ang pinuno ay inaakusahan ng katiwalian. Maraming nagaganap na korapsiyon na maski ang Office of the Vice President at DepEd ay niyayanig ng kontrobersiya dahil sa confidential funds.
Patuloy na namamayani ang kahirapan sa maraming Pilipino. Marami ang nakasahod ang kamay sa ipinagkakaloob na ayuda ng pamahalaan. Marami ang walang trabaho. Marami na ang dumaraing na nakaranas ng gutom. Sa mga surbey, lagi nang marami ang nagsasabing nakararanas sila ng gutom at mayroong isang beses na lamang kumain sa maghapon.
Marami pa ring mangmang sa bansang ito. Maraming salat sa kaalaman na nagpapakita na may mali sa sistema ng edukasyon. Ayon sa surbey, maraming bata na edad walo ang hindi marunong bumasa at sumulat. Nangungulelat sa Science at Math ang mga kabataan. Natatalo sa kumpetisyon ng mga katabing bansa.
Ang isang matinding kamangmangan o kabobohan na nakita sa mga Pilipino ngayon ay ang paghahalal nila ng mga pinuno. Hindi na natuto ang nakararami sa paghahalal ng pinuno na walang magawa para mapaunlad ang buhay ng tulad nilang mahihirap. Ang masaklap, ang kanilang ibinoto ay tahasang naglilingkod sa iniidolo nilang pulitiko.
- Latest