Torre, pinaigting ang relasyon ng PNP at CHR!
Imbes na barikadahan, nagbukas ng tulay si PNP chief Gen. Nicolas Torre III patungo sa Commission on Human Rights. Malakas ang paniniwala ni Torre na ang CHR ay partner ng PNP sa pagpatupad ng batas. “The CHR is our boss on the protection of human rights,” ani Torre. Kaya’t magkaroon na ng maigting na kooperasyon ang PNP at ang CHR sa pagpatupad ng batas sa Pinas at maiiwasan din ang kinaugaliang bangayan sa pagitan ng dalawang ahensiya ng gobyerno.
“Bilang mga pulis, actually ang ating ginagawa ay protection din ng human rights. ‘Yan eh dahil kaya pumapasok ang pulis d’yan dahil may isang tao na nagrereklamo na nalabag ang kanyang karapatang pantao,” ani Torre. Ipinaliwanag din n’ya ini-exercise naman ng CHR ang oversight function nito, at tinitingnan kung ang mga pulis, bilang state agent, ay nagmamalabis sa kanyang trabaho.
Iginiit ni Torre na kapag may isang biktima na nilabag ang kanyang karapatang pantao ng isang kriminal, d’yan na papasok ang isang pulis. Subalit halimbawa naman ang pulis ang lumabag ng karapatang pantao ng isang Pinoy, papasok naman ang CHR. “I do recognize at ako ay nagpapasalamat sa CHR for keeping us always in check and being a partner of the PNP in ensuring that everything that we do is within the ambit of the law,” ayon kay PNP chief. Binigyan-diin ni Torre ang kahalagahan ng CHR upang siguraduhin ang disciplinary machinery ng PNP ay nasusunod. Aniya, ang CHR ang point of contact ng mga Pinoy sa pagmamalabis ng mga pulis.
Ukol naman sa statement ni Torre na paramihan ng huling kriminal ang kanyang mga tauhan kahit walang warrant subalit nirerespeto ang human rights, maluwag sa kalooban na tinanggap ito ni CHR chairman Atty. Richard Palpal-Latoc. Ayon kay Palpal-Latoc, suportrado nila ang tungkulin ng PNP na pangalagaan ang seguridad ng sambayanan. “Ang importante sa amin ay as long as the duties are performed within the bounds of the law, at kung kailangan gumamit ng puwersa ang kapulisan, puwede naman ‘yan. As long as it is necessary and commensurate to the force being confronted,” ani Palpal-Latoc. Ang ibig sabihin ni CHR chair, puwedeng idepensa ang sarili kapag nasa panganib ang inyong buhay.
Binigyang halaga ni Palpal-Latoc ang pagtulay ni Torre sa kanyang ahensiya. “Mahalaga ito dahil isa sa mga pangunahing institution na binabantayan ng commission ay ang ating kapulisan dahil sila ‘yung frontliner. Marami rin talagang reklamo na natatanggap against the police personnel,” aniya. “Kung itong pagbisita ni chief PNP dito sa ating commission ay mahalaga dahil magkakaroon ng ugnayan ang ating mga institution at papapaigting at mapapabuti ang ating relasyon upang ma-integrate na rin ang human rights sa pagpatupad sa tungkulin ng ating kapulisan,” dagdag pa ni Palpa-latoc. Ipinaliwanag pa ni Palpa-latoc na puwede namang magsagawa ang PNP ng warrantless arrest dahil nasa Rules on Criminal Procedure ‘yan. Aniya, kung nasa harap mismo ng pulis nangyari ang krimen, puedeng arestuhin ang suspect kahit walang warrant, kapag may probable cause at kung takas sa piitan. Abangan!
- Latest