Raffy Tulfo, tagasigaw ng katotohanan
Sabi nga, si Idol ang boses ng mga pinatahimik. Kung may isang senador na hindi nagpipigil, hindi nagpapalusot, at hindi natatakot manindigan para sa karaniwang tao, estudyante man o manggagawa—siya iyon, Senador Raffy “Idol” Tulfo. Sa gitna ng malagkit na katahimikan ng mga institusyon ng gobyerno, siya lang ang sumigaw: “Nasaan ang serbisyo publiko?”
At sa isang tawag lang—literal na tawag sa hotline ng CHED—tuluyang nabunyag ang bulok na laman ng sistemang dapat sana’y nagtatanggol sa karapatan ng kabataang Pilipino. Bago pa ang Senate hearing ukol sa mga reklamo ng mga estudyante laban sa Bestlink College of the Philippines, may isang simpleng plano si Tulfo: Testingin ang hotline ng CHED. Isang tawag lang ng kanyang staff, nagpanggap bilang estudyante—at ayun na: pasahan, palpak na numero, at pinakahuli, isang sagot na tila sampal sa mukha ng bawat umaasa: “I-Google mo na lang.”
Ano raw? I-Google? Sa gobyernong binabayaran ng buwis ng bayan, ganito na lang ba kababa ang kalidad ng tulong sa kabataang inaapi? Hindi ito biktima ng aberya. Ito’y biktima ng kapabayaan. At kung walang Raffy Tulfo na maglalantad, ilan pa kayang estudyante ang mababaon sa katahimikan?
Sa Senado, hindi pinaligtas ni Tulfo ang CHED. Hinainan niya ng matitinding tanong, isinailalim sa pagsusulit si CHED NCR Director Jimmy Catanes, at mismong siya’y tumawag sa “bagong hotline.” Pero anong nangyari? Ini-refer na naman siya pabalik sa sirang numero. Parang pinanood tayong lahat ng live-action comedy ng kahihiyan ng isang ahensiya.
Pero hindi natawa si Tulfo—uminit ang ulo niya. At sa galit niyang may punto, sinabi niya ang dapat marinig ng taumbayan: “Palitan n’yo ang sistema! Sibakin ang kapalpakan!” Habang nagpapalusot ang CHED, ang katotohanan ay ito: hindi isolated case ang sirang hotline. Ito ay simbolo ng mas malalim na kabulukan sa burukrasya. Ilang ahensya pa kaya ang may hotline sa papel, pero patay sa aktwal? Ilang reklamo ang sinasadyang hindi marinig para walang gulo, walang gising, at walang pananagutan?
Kung walang Raffy Tulfo, walang magsasalita. Kung walang magpapakilala sa kabulukan, patuloy ang mga opisyal sa paglublob sa posisyon habang ang mga estudyante ay nauupos sa kawalang-hustisya. Hindi lang simpleng “pa-viral” na galit ang pinamalas ni Tulfo. Ito ay galit na may saysay, galit na may direksiyon, at galit na kay tagal nang kinailangan ng taumbayan.
Sa panahong ang iba’y abala sa pagpapapogi, si Tulfo ang senador na dumidikit sa tunay na isyu. Hindi siya takot bumangga. Hindi siya takot magbuking ng inutil. At higit sa lahat, hindi siya takot magsalita para sa mga hindi naririnig—ang mga estudyante, ang kabataan, ang taumbayan.
Sa isang bansang lunod sa memo, red tape, at bulag-bulagang pamumuno, isang Raffy Tulfo lang ang may lakas ng loob tumawag at sabihin: “May mali. Ayusin n’yo ‘to. Ngayon na.” At sa panahong sinasabing walang bayani sa Senado, heto siya — nakatayo, bumabatikos, walang takot. Hindi para sa puntos, kundi para sa prinsipyo. Ang tanong ngayon: May susunod ba sa kanyang yapak? O tayo rin ba’y mananahimik at mag-i-Google na lang ng tulong?
- Latest