Pinagbitiw ang Cabinet members
NAGULANTANG ako nang pinagsumite ni Pres. Ferdinand Marcos Jr., ng courtesy resignation ang lahat ng Cabinet members noong Huwebes. Hindi inaasahan ang aksiyon ni PBBM na naganap makaraan ang midterm elections noong Mayo 12.
Palagay ko nadismaya si PBBM sa naging resulta ng election kung saan maraming kaalyado ni dating President Duterte ang nakalusot sa Senado at House of Representatives. Palagay ko’y may kaugnayan yun.
Pero sa pahayag ni Presidential Communications Undersecretary Atty. Claire Castro, nais lamang ni PBBM na ipakita sa mamamayan na tumutugon siya sa panawagan, na nakikinig siya sa mga hinaing ng taumbayan.
Sa aking palagay, tama si PBBM na pagsumitehin ng resignation ang kanyang buong Gabinete upang matukoy ang mga “anay” na naglulungga sa kanyang administrasyon. Halos lahat kasi nang mga ginagawang proyekto ng pamahalaan ay tinutuligsa ng mga kaalyado ni Duterte. Walang puknat ang batikos.
Ang masakit, tiklop ang mga balikat at uutal-utal kung makasagot ang ilang pulpol na opisyales ni PBBM. Sa halip na ipagtanggol ang mga proyekto ni PBBM, lalong nalulubog sa kahihiyan. Walang ginagawa ang ilang miyembro ng Cabinet para ipagsanggalang si PBBM.
Kaya para matiyak ni PBBM kung may matitino at masisipag pa siyang Gabinete, pinagbitaw niya ang mga ito sa puwesto.
Napag-alaman ko naman na may ilang Cabinet members na nagsumite ng resignation ang tinanggihan ni PBBM.
Kabilang sa mga nagsumite ng resignation sina: DOTr Sec. Vince Hizon, DSWD Sec. Rex Gatchalian, DILG Sec. Jonvic Remulla. MMDA Chairman Romando Artes, DOT Sec. Christina Frasco, DBM Sec. Amenah Pangandaman, DOF Sec. Ralph Recto, Solicitor General Menardo Guevarra, DMW Sec. Hans Leo Cacdac, DICT Sec. Henry Aguda, DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, PCO Sec. Jay Ruiz, DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., DOLE Sec. Bienvenido Laguesma, TESDA Dir. Gen. Jose Benitez, Executive Secretary Lucas Bersamin, DEPDev Sec. Arsenio Balisacan, Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Sec. Frederick Go, DAR Sec. Conrado Estrella III, DOE Sec. Raphael Lotilla, DepEd Sec. Sonny Angara, DENR Sec. Yulo Loyzaga, DND Sec. Gilbert Teodoro, DOST Sec. Renato Solidum, DTI Sec. Cristina Aldeguer-Roque, National security Adviser Eduardo Año, DFA Sec. Enrique, Manalo, CFO Sec. Dante Ang, ARTA Director Ernesto Perez, PLLO Chief Mark Mendoza at DHSUD Sec. Jose Acuzar.
Hinihintay pa ang pagbibitiw nina DOH Sec. Ted Herbosa, DPWH Sec. Manuel Bonoan, Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, Presidential Assistant on Maritime Affairs Andres Centino, Presidential Adviser on Military & Police Affairs Roman Felix, Presidential Adviser on Poverty Allevation Larry Gadon, Presidential Adviser on Peace, Reconcillation, and Unity Carlito Galvez jr., at Special assistant to the President Antonio Lagdameo Jr,.
Ano naman kaya ang masasabi ng kampo ng mga Duterte sa ginawa ni PBBM? Wala pang komento si Vice President Sara Duterte.
- Latest