Tunay na pagbabago? Youth vote at ang Philippine midterm elections

Matapos ang katatapos lamang na Philippine Midterm Elections, dama sa maraming sulok ng ating lipunan ang kakaibang sigla – sa social media, sa mga newsroom, maging sa ating mga hapag-kainan. May halong tuwa para sa maraming botante na tila ba may panibagong simula. Nabilang na ang mga balota, naiproklama na ang mga nanalo, pero nananatiling buhay ang pakiramdam ng pagkilos — ng pag-asa.
Hindi basta-basta maikakasa ang halalang ito bilang “karaniwan lang.” Para sa ilan nating mga KasamBuhay, ito ay isang mahalagang sandali — hindi lang dahil sa mga hindi inaasahang panalo at matitinding tapatan, kundi dahil sa ipinakitang senyales ng isang mas mulat at matapang na elektorado.
Marami tayong maaaring ipagdiwang. Ngunit marami ring paalaala na habang bagong kabanata ito, ang aklat ng pulitika ay nananatiling mahirap basahin. Hindi palaging diretso ang landas ng progreso. Minsan, ang tagumpay ay may kasamang babala.

Ang pulso ng Pilipino
Nakita natin sa halalang ito ang malaking pagbabago sa mga botante. Bagamat may suporta pa rin sa mga nakasanayang pangalan, kapansin-pansin ang pagsuporta ng ilang mga botante -- lalo na ng mga kabataan — at pagpabor sa mga kandidatong may sariwang pananaw, may maayos na track record, o ‘di kaya’y kilala sa isang mas tapat na pamumuno.
Makikita ang pagbabagong ito sa aktibong pakikilahok ng mga botante. Ayon mismo kay Commission on Elections (COMELEC) Chairperson George Garcia, ang mataas na turnout ngayong midterm elections ay dahil sa kabataang Pilipino.
"Kabataan ang malaking factor ng mataas na voter turnout sa bansa. Base sa inisyal na pagtingin, dumagsa ang mga kabataan sa pagboto. 'Yung boses nila ay gusto nilang mapakinggan ng sambayanan... Ako, naniniwala ako na 'yung boto ng youth, matters talaga,” sabi ni Garcia.

Mayroon ring mga kilalang political dynasty na nabuwag – mga pamilyang parang dati ay hindi na matitinag sa kanilang balwarte. Nagbigay ito sa atin ng bahagyang pag-asa. Sa unang pagkakataon sa mahabang panahon, tila may mga botanteng mas pinili ang kakayahan, paninindigan, at malinaw na plataporma kaysa sa apelyido o koneksyon.
Ang sinimulan ng mga nakaraang kilusan para sa reporma – mula sa mga volunteer campaign hanggang digital activism – ay patuloy na nagbubunga. Hindi pa ganap, ngunit nararamdaman na natin ang pagbabago. Unti-unti, natututo ang publiko na suriin ang kanilang mga pinipili.
Hindi madaling talikuran ang nakagawian: Rigodon ng political dynasties
Gayunpaman, nariyan pa rin ang realidad: namamayagpag pa rin ang maraming political dynasty. Sa bawat istorya ng pagwawagi laban sa incumbent, may isa namang kuwento ng tagapagmanang kadugo na nanalo. Sa ilang bayan, magpinsan ang nagtunggali. Sa iba, ang kapangyarihan ay simpleng nailipat lang mula sa ama patungo sa anak, mula sa asawa patungong kapatid – iisa pa rin ang pinanggagalingang pamilya.
Ang party-list system, na dati’y itinakda upang bigyang tinig ang mga nasa laylayan, ay nagagamit na rin ngayon ng ilang may kapangyarihan. Sa pagsusuri sa mga nangunang party-list, ilan sa kanila ay hindi naman tunay na kinakatawan ang mga sektor na inaangkin nila. Sa halip, nagsisilbing patagong paraan ito para sa mga makapangyarihan upang lalo pang palawigin ang kanilang impluwensiya.
Sa kasamaang-palad, habang umuunlad ang kamalayan ng mga botante, nakakahanap pa rin ang sistema na sabayan ito –-- kadalasan, upang mapanatili ang nakasanayang kapangyarihan, hindi upang sirain ito.
Ang daan patungo sa pagpapalakas ng ating demokrasya
Sa kabila ng mga kahinaang ito, hindi dapat balewalain ang kahalagahan ng naganap. Ang halalan sa atin ay salamin at mapa: ipinapakita nito kung sino tayo, at kung saan natin gustong makarating.

Sa panahong ito, nakita natin ang isang bayang handang subukan ang pagbabago. At sa harap ng lahat ng liko at lubak ng ating landas, kahit paano, may tila mas magandang direksiyon na rin tayong sinusundan.
Hindi pa natin nakakamtan ang sistemang-pulitikal na minimithi natin para sa ating mga anak — ‘yung bukas, tapat, at may pananagutan. Ngunit may mahalagang bagay nang nasimulan. Hindi na lang basta tumutugon ang mamamayan; sila ay nakikilahok, nagtatanong, nag-oorganisa, at higit sa lahat, nagtatanda.
Inaanyayahan ko kayong kilalanin ang panahong ito kung ano talaga ito: hindi katapusan, kundi simula. Mga unang hakbang, mula sa iba’t ibang direksyon. Magsimula tayong maglakad, dala ang kaalamang ang tunay na pagbabago sa pamahalaan ay hindi nakakamit sa iisang halalan lamang, kundi sa marami, sa patuloy na pagbabantay, pagtitiyaga, at pagpupunyagi.
Mga KasamBuhay, marami pa tayong kailangang itama. Ngunit marami na rin tayong naumpisahan. At kahit malayo pa tayo sa ating pinapangarap, hindi maitatangging malayo na rin ang ating narating.
----
I-follow po ninyo ako sa social media: JingCastaneda: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok at Twitter. Ibahagi ang inyong mga kuwento at reaksiyon sa [email protected].
- Latest