EDITORYAL — Partylist system nararapat ireporma

ANG Commission on Elections (Comelec) ang mismong nagsabi na dapat nang amyendahan ang Republic Act No. 7491 (Partylist System Law) upang makatiyak na talagang lehitimong grupo na kumakatawan sa marginalized sectors ang makakasali sa election. Sabi ni Comelec chairman George Garcia na lagi niyang isinusulong na amyendahan ang batas. “The partylist law needs to be amended, I believe even partylist organizations will always aspire to a new law to reflect the true sentiments of marginalized and underrepresented sectors,” sabi ni Garcia.
Noong Lunes, ipinroklama na ng Comelec ang 52 partylist groups na nanalo sa nakaraang May 12 elections. Nanguna ang Akbayan na sinundan ng Tingog party-list sa mga nanalo. Ang Duterte Youth partylist na isa rin sa mga nangunguna ay hindi pinroklama ng Comelec dahil may nakahain ditong disqualification case. Ang BH partylist ay hindi rin pinayagang maiproklama dahil din sa katulad na kaso.
May katotohanan na ang partylist ay hindi na marginalized and underrepresented. Kaya nararapat lamang na magkaroon na ng reporma. Marami ang nagsasabing dapat na itong buwagin dahil ginagamit ito ng mga political clan para palawakin at panatilihin ang kanilang pamilya sa kapangyarihan.
Isang linggo bago ang May 12 elections, sinabi ng grupong Kontra Daya 55.13 percent ng 156 partylist groups na nabigyan ng accredidation ay kabilang sa political dynasties, malalaking kompanya, mga pulis at military. Nalaman din ng Kontra Daya na may partylist groups na may mga nakabinbing kaso ng korapsiyon samantalang ang iba pa ay may mga kahina-hinalang adbokasiya.
Sabi naman ng Center for People Empowerment and Governance (Cenpeg), ang mga nominado sa partylist ay pawang nagmula sa political dynasties, retired government officials, at mayayamang negosyante. Nangingibabaw umano ang mga elite na hindi nagsusulong ng kapakanan ng mga maliliit at naghihikahos sa lipunan.
Maganda kung mabubuwag ang partylist system gaya nang mungkahi nang nakararami. Pero hindi ganito kadali para buwagin ang partylist sapagkat ang tututol mismo ay ang mga nakaupo na. Papayag ba silang basta buwagin ang kinaroroonang trono. Ang mga mambabatas na nakikinabang sa partylist ang unang tututol dito. Kaya dapat pag-aralan ang mungkahi ng Comelec na amyendahan ang Republic Act 7491. Maaring sa pagsusog sa batas ay magkaroon ng pagbabago. Maganda kung maisusulong sa lalong madaling panahon ang pag-amyenda sa RA 7491.
Nararapat na may mabago sa batas para mawala ang masamang nakakabit dito na kaya nilikha ay para masuportahan ang mga makapangyarihan at mapang-abuso.
- Latest