Lumalalang pag-eespiya ng Komunistang China
MAG-INGAT sa pagpasyal sa Communist China. Baka paratangan kang espiya at ikulong.
Ugali ng komunistang bansa ang maghiganti. Mula Enero, apat na beses kasi may nahuling mga grupong Chinese sa Pilipinas na nagmamanman sa mga base militar at gusali ng gobyerno.
Kaya nanghuli rin ng mga inosenteng Pilipino ang China para ika nga itabla ang sitwasyon. Estilo ‘yan ng Russia, Belarus, North Korea, Cuba at Venezuela.
Bakit naman eespiyahan ng Pilipino ang China, eh wala naman tayong balak giyerahin ang higanteng bansa? China ang may balak mang-agaw ng karagatan at minahan ng Pilipinas kaya ito nag-eespiya sa atin.
Nu’ng Marso dinakip ng NBI ang anim na Chinese sa Grande Island, sa bunganga ng Subic Bay, Zambales. Katulong ang bodyguard na Piipino, bini-video nila ng aerial drones lahat ng dumadaang barko roon. Nasa Subic ang pangalawang pinaka-malaking base ng Philippine Navy.
Nu’ng Pebrero natiklo ang dalawang Chinese na may video at photos ng Malacañang, U.S. Embassy, Villamor Airbase, Camp Aguinaldo AFP GHQ, at Camp Crame PNP GHQ. Kinumpiska sa kanila ang spyware, kabilang ang pakikinig sa usapang telepono at mga camera.
Nu’ng Enero nahuli ang isang Chinese at dalawang Pilipino na kinukunan ang iba’t ibang kampo militar sa Luzon.
Enero rin, nahuli ng NBI ang limang Chinese na nireretratuhan ang naval base sa Ulugan Bay, West Palawan. May mga retrato rin sila ng Philippine Coast Guard vessels sa Manila Bay.
Limang pang-espiyang Chinese sea drones ang natagpuan ng Navy at Coast Guard: dalawa sa Calayan Island, Cagayan; at tig-isa sa Pasuquin, Ilocos Norte; San Pascual, Masbate; at Initao, Misamis Oriental.
- Latest