Babae sa Japan, pinutol ang palasingsingan ng boyfriend para hindi ito magpakasal sa iba!
INARESTO ng mga awtoridad sa Osaka, Japan ang isang 23-anyos na babaing cosplayer matapos umano nitong putulin ang kaliwang ring finger o palasingsingan ng kanyang nobyo gamit ang hatchet at gunting.
Kinilala ang suspek na si Saki Sato, 23, taga-Osaka.
Ayon sa biktima nitong 21-anyos na lalaki, pinutol ni Sato ang kanyang ring finger dahil sa matinding selos.
“Pinutol niya raw ito para hindi ako makapagpakasal sa iba,” anang lalaki sa panayam ng mga pulis.
Nadiskubre ng mga imbestigador ang putol na daliri sa loob ng isang bote na nakalagay sa refrigerator ng kanilang bahay.
Nagsimula umano ang relasyon ng biktima at suspek matapos magkakilala sa social media dalawang taon na ang nakalilipas. Nagsimula silang mag-live-in noong Hulyo 2024 sa isang apartment.
Sa panahong iyon, apat na beses nang dumulog ang magkasintahan sa mga pulis ukol sa kanilang masalimuot na relasyon.
Bukod sa pananakit, natagpuan din ng mga awtoridad sa loob ng isang safe ang cell phone at bankbook ng lalaki, na hawak umano ni Sato sa buong panahon ng kanilang pagsasama.
Sa mas naunang insidente, iniulat din ng biktima na pinilit siya ng suspek na i-slice nito ang bahagi ng kanyang utong (nipple), matapos nitong sabihing “tutubo naman iyon muli”.
Itinanggi ni Sato ang mga paratang, at iginiit na ang biktima mismo ang pumutol ng sarili nitong daliri.
Sa kabila ng pagtanggi, sinampahan na siya ng three counts of assault, at pormal na kinasuhan noong Abril 21.
Pinutol umano ng suspect ang palasingsingan ng 21-anyos na nobyo para hindi magpakasal sa iba.
- Latest