Sore throat
ANG sore throat ay palatandaan na magkakaroon ng sipon o trangkaso. Karamihan sa sore throat ay hindi naman nakapipinsala at nawawala sa loob ng limang hanggang pitong araw.
Maraming dahilan kung bakit nagkakaroon ng sore throat. Kadalasan ay nagmumula ito sa impeksyon mula sa virus o bacteria. Kapag virus ang dahilan, puwedeng hindi muna uminom ng antibiotics. Ngunit kung namamaga ang tonsils at may mga puti-puti na nakikita sa lalamuman, ang ibig sabihin ay may bacteria ito at kailangang uminom ng antibiotics.
Ang mga viruses at bacteria ay maaaring pumasok sa bibig at ilong sa pamamagitan ng paglanghap ng particles mula sa pag-ubo o paghatsing ng ibang tao. Puwede rin na ikaw ay gumamit ng kutsara, towel, laruan, doorknob, computer keyboard at telepono na ginamit ng may sore throat. Maaari ring magdulot ng sore throat ang hyperacidity. Ang allergy ay puwede ring pagmulan ng sore throat.
Narito ang mga dapat gawin kung may sore throat:
1. Magmumog ng maligamgam na tubig na may asin. Maglagay ng 1 kutsaritang asin sa isang basong maligamgam na tubig at haluin ito. Imumog ng ilang segundo. Mababawasan ng tubig na may asin ang pamamaga ng tonsils. Magmumog ng apat na beses sa maghapon.
2. Uminom nang maraming tubig, tsa-a o sabaw. Uminom ng walong basong tubig sa maghapon para lumabnaw ang plema.
3. Humigop ng sabaw ng nilagang manok. Ang chicken soup ay tumutulong sa pag-alis ng pagbabara dulot ng sipon at plema. Pinipigilan nito ang pamamaga ng tonsils at paggawa ng plema. Ang chicken soup ay may sangkap na amino acid, ang cysteine, na lalabas sa pagluto ng sabaw ng manok. Ang cysteine ay nagpapalabnaw ng plema sa baga at pinapabilis ang paggaling. Ang manok ay mataas din sa protina.
4. Kung masakit ang lalamunan, gumamit ng throat lozenges o candy para mabawasan ang sakit.
5. Uminom ng maligamgam na tubig. Makatutulong ito para mapanatiling malabnaw ang plema at madaling ilabas. Iwasan ang kape at alak.
6. Ipahinga ang boses. Kung naapektuhan ng sore throat ang iyong pagsasalita, maaaring humantong sa iritasyon at pansamantalang pagkawala ng boses.
7. Ang pagdagdag sa moisture ng hangin ay makatutulong na maging basa ang sinus at mucous membrane. May humidifier na nabibili o pwede din ang steam inhalation.
8. Iwasan ang usok at polusyon. Ang usok ay nagpapa-irita sa sore throat. Itigil rin ang paninigarilyo.
9. Madalas na maghugas ng kamay o gumamit ng alcohol na panlinis ng kamay kung may sipon at trangkaso.
10. Iwasan ang paghawak sa ilong at bibig para maiwasan makakuha ng mikrobyo.
11.Kumunsulta agad sa doktor kung: a.) Hirap o masakit lumunok o huminga; b.) naninigas ng leeg at sobrang pananakit ng ulo; c.) Mataas na lagnat; d.) Rashes; at e.) Paulit-ulit na pamamalat o mouth ulcer.
- Latest