Zita at Elvira: Boses ng mga OFW sa France at Morocco
Magkapareho ang adbokasya ng mga overseas Filipino worker na sina Zita T. Cabais at Elvira A. Dela Cruz bagaman nasa magkaibang bansa sila. Kinilala ang natatangi nilang mga gawain na nagtataguyod sa kapakanan at karapatan ng mga OFW.
Laki sa hirap si Zita na ipinanganak sa Pangasinan. Pangalawa siya sa siyam na magkakapatid. Tumigil siya sa pag-aaral makaraang makatapos ng grade six sa elementarya noong 1976 dahil hindi na siya kayang tustusan ng kanyang mga magsasakang magulang. Sa edad na 13 anyos, nagtrabaho siya bilang katulong sa Maynila bago namasukang clerk sa isang botika. Nagkaasawa siya sa edad na 19 anyos at nagkaroon ng apat na anak.
Ipinasya ni Zita na maghanap ng trabaho sa ibang bansa para masuportahan ang kanyang pamilya. Habang nakapila siya noon ay Philippine Overseas Employment Administration, may nag-alok sa kanya ng trabaho bilang domestic worker sa Paris, France.
Ngunit iligal na ipinuslit si Zita sa Europe noong 1994. Inakala niyang sa Paris siya dadalhin ngunit napadpad siya sa Budapest, Hungary. Determinado pa rin siyang makarating sa Paris lalo pa at nakaiwan siya ng malaking utang sa Pilipinas, partikular sa isang ahensiyang nagpahiram sa kanya ng pera. Napilitan siyang sumama sa mga smuggler. Halos mamatay siya sa paglalakbay patungo sa France. Sa gitna ng taglamig, ilang araw siyang naglakad sa mga kagubatan at nagyeyelong ilog, halos walang makain, at natutulog sa kalsada upang makaiwas sa mga border control ng Slovenia, Switzerland, at Italy. Umabot sa 10,000 dolyar ang nagastos niya sa pagbibiyahe na tumagal ng isang buwan bago siya nakarating sa Paris, France.
Babysitter ang unang trabaho niya sa Paris ngunit, pagkaraan ng 11 buwan, naging domestic helper siya sa isang pamilya. Kinuha at itinago ng kanyang employer ang kanyang passport ngunit hindi inasikaso ang kanyang mga papeles. Binawalan siyang makipag-usap sa ibang tao. Hindi rin siya sinusuwelduhan. Nagtatrabaho siya mula alas-7:00 ng umaga hanggang ala-1:00 ng madaling-araw. Noong Marso 1999, nakita niya ang kanyang passport sa isang taguan ngunit nagalit ang kanyang amo at binato siya ng silya sa mukha. Nilaya-san niya ang kanyang amo noong Abril 1999.
Gipit na gipit siya. Nagkasakit at naospital siya ngunit walang bumisita sa kanya. Paglabas niya ng ospital, tinulungan siya ng isang kakilala na makahingi ng tulong sa Confédération française démocratique du travail (CFDT).
Sa tulong ng CFDT, inihabla ni Zita sa korte ang kanyang amo. Noong Pebrero 2003, nanalo siya sa Court of Appeals sa Paris na nagdeklara na dapat siyang bayaran sa lahat ng oras na kanyang pinagtrabaho. Napabalita siya sa bansang France. Nabigyan siya ng posisyon sa CFDT at, bunsod rin ng sarili niyang karanasan, nagsimula na rin siyang lumahok sa mga aktibidad para tulungan ang mga OFW at ibang dayuhang manggagawa lalo na ang mga domestic worker na inaapi at inaabuso, at maging ang mga biktima ng human trafficking.
Tulad ni Zita, naging boses at sandigan si Elvira ng mga OFW sa Morocco.
Nagmula sa Pozorrubio, Pangasinan si Elvie na nagsimulang magtrabaho bilang household service worker (HSW) sa Morocco noong 2009. Walang bukas na impormasyon hinggil sa personal niyang buhay o sa sarili niyang karanasan bilang OFW ngunit sa pagdaan ng mga taon, naging adbokasiya niya ang mga karapatan at kapakanan ng mga kapwa niya OFW. Tinutulungan niya ang mga OFW na nabiktima ng pang-aabuso, pagmamaltrato, at inhustisya; paghahabol sa hindi nababayarang suweldo; paghanap ng ibang trabaho; at pagsasampa ng kaso sa korte laban sa mga malupit na amo. Naging tulay siya ng mga gipit na OFW para makipag-ugnayan sa mga awtoridad na Moroccan lalo na noong panahong wala pang embahada o konsulado ng Pilipinas sa Morocco.
Itinatag ni Elvie noong 2021 ang Filipino Society of Morocco (FSM) na sumusuporta sa mga Pilipino sa naturang bansa. Kinilala at pinarangalan ng Philippine Embassy sa Rabat ang kanyang liderato at kontribusyon sa pamayanang Pinoy.
Kabilang sa mga isyung nilalabanan niya ang domestic violence, human trafficking, illegal confiscation of passports, at iba pa.
Ginawaran din siya noong 2022 ng Honorary Diploma ng Democratic Labor Organization at ng Democratic Organization of Immigrant Workers in Morocco na nagtatampok sa kanyang ambag sa pangangalaga ng mga karapatang pantao at sa kanyang papel bilang lider ng mga dayuhang manggagawa sa naturang bansa.
Dahil sa kanilang mga natatanging gawain, kabilang sina Zita at Elvira sa ginawaran ng Banaag Award ng Presidential Awards for Filipino Individuals and Organizations Overseas ng Commission on Overseas Filipinos noong nakaraang taon.
** * * * * * * *
Email – [email protected]
- Latest