Lalaki sa U.K., tanging tinapay at cereal lang ang kayang kainin dahil sa kakaibang eating disorder
Isang 35-anyos na lalaki sa United Kingdom ang nakararanas nang matinding takot at pagkasuklam sa pagkain tulad ng prutas, gulay, itlog, at karne, kung saan umaabot sa punto ng pagsusuka kapag sinubukan niyang kumain ng mga ito.
Hindi simpleng “picky eater” si Thomas Sheridan. Sa tanang buhay niya, isang napakalimitadong diet lang ang kanyang sinusunod. Ito ay dalawang tinapay na puti, tatlong mangkok ng cereal (Shreddies), at Haribo gummy candy. Hindi pa raw siya kailanman nakatikim ng prutas o gulay.
Dahil dito, umaasa siya sa protina at bitamina mula sa supplements pero tanging mga may lasa lamang na natitiis niya ang kanyang iniinom.
Noong mga nakaraang taon, natukoy na si Thomas ay may Avoidant Restrictive Food Intake Disorder (ARFID), isang eating disorder kung saan may matinding pag-iwas o takot ang pasyente sa ilang uri ng pagkain, kadalasan dahil sa texture, lasa, o traumatic experience.
“Sinubukan kong gumawa ng egg at sausage sandwich dati. Pero pagdampi pa lang ng egg sa aking bibig, sumuka na ako nang malala” sabi niya sa isang interbyu.
Ayon sa kanyang mga magulang, nagsimula ang kakaibang kondisyon ni Thomas noong 18 months old pa lang ito. Bigla na lang daw itong tumanggi kumain ng anumang pagkain maliban sa ilang partikular na bagay. Sa school, pinapayagan siyang umuwi sa tanghalian para kumain ng toast, dahil hindi niya kinaya ang pagkain sa canteen.
Ngayon bilang adult, apektado na rin ang kanyang kabuhayan. Sa huling trabaho nito. tumagal lang siya ng 10 araw, at bumaba agad ang timbang niya ng 21 pounds.
Dahil dito, umaasa siyang makalilikom ng $8,000 para sa hypnotherapy, na maaaring makatulong upang matanggap ng katawan at isipan niya ang ibang uri ng pagkain. Ngunit aminado siyang walang kasiguraduhan ang epekto nito.
- Latest