Babae sa Switzerland, idinemanda matapos pakainin ang alagang pusa ng kapitbahay!
ISANG 68-anyos na ginang sa Zurich ang humarap sa korte matapos ireklamo ng kanyang kapitbahay dahil sa pagpapakain sa alagang pusa nito sa loob ng 10 buwan, kahit pa ilang beses na siyang pinaalalahanan na itigil ang ginagawa.
Ayon sa nagrereklamo, ilang beses na niyang sinabihan at sinulatan ang ginang, na itigil ang pagpapakain sa kanyang alagang si Leo.
Ngunit imbes na huminto, nagpatuloy pa umano ang ginang sa pagbibigay ng pagkain at naglagay pa ng sariling “cat flap” sa kanyang pintuan upang malayang makapasok at makalabas si Leo sa kanyang tahanan.
Kalaunan, hindi na bumalik si Leo sa dating amo nito, isang sitwasyong nagdulot ng stress at kalungkutan. Dahil dito, sinampahan ng reklamo ang ginang ng unlawful appropriation, o ang ilegal na pag-angkin ng hindi kanya, sa ilalim ng batas ng Switzerland.
Pinatawan ang ginang ng multang 800 Swiss francs (tinatayang P52,000) at may nakabinbing karagdagang multa na 3,600 francs (halos P237,000). Tumanggi ang ginang na bayaran ito, kaya nauwi sa korte ang usapin.
Sa batas ng Switzerland, hindi naman agad itinuturing na krimen ang paminsang pagpapakain sa pusa ng iba, ngunit kapag ginawa ito nang tuluy-tuloy at may layuning “akitin” ang alaga palayo sa tunay nitong amo, maaari itong maging basehan ng kaso.
Noong nakaraang linggo, nagtungo sa Zurich District Court ang magkapitbahay kasama ang kani-kanilang abogado upang ayusin ang problema.
Bagamat isinara sa publiko ang pagdinig at hindi isiniwalat ang eksaktong detalye, napag-alaman na nagkaroon sila settlement agreement, kung saan napagkasunduan na maaaring manatili ang pusa sa ginang.
Tuluyan namang binawi ng dating may-ari ang reklamo sa ginang.
- Latest