May ilang problema sa naganap na election
MAAYOS naman ang naging election dito sa Capiz kahapon. Malaking tulong sa mga botante ang mga information desk na nasa entrance ng mga voting centers. Maraming napagtatanungan kaya madaling nakikita ng botante ang kanilang pangalan.
Sa kabila nito, mayroon pa ring abala sa senior citizens dahil ang ilan sa kanila ay nailipat sa ibang voting precincts kaya naghanap pa sila ng kanilang pangalan. Mayroong nagrereklamo na wala ang kanilang pangalan.
Malaking bagay na maagang nagbukas ang voting precincts. Bago pa pumutok ang araw ay marami nang senior citizens, pregnant women at persons with disabilities ang nakaboto. Mula 5:00 ng umaga hanggang 7:00 ng umaga ang oras ng kanilang pagboto.
Kung naging matiwasay ang botohan sa Capiz, may mga lugar naman na talamak ang bilihan ng boto. Nalaman ko, limpak-limpak na salapi ang ipinamudmod bago sumapit ang hatinggabi ng Sabado.
Ayon sa aking nakausap, mula P5,000 hanggang P6,500 ang ipinamudmod ng mga kandidato. Ang bigayan para sa mayor ay P2,000 hanggang P2,500. Bukod pa riyan ang pamumudmod para sa Sangguniang Bayan.
Ngayong araw na ito, may resulta na ang eleksiyon. At tiyak na maririnig muli ang mga salitang “dinaya” para sa mga natalo at “nandaya” naman para sa mga nanalo. Masaklap para sa mga natalo na namudmod nang malaki. Gumastos nang malaki pero olat.
Bago nga pala ang election dito sa Capiz, may kumalat na “boto o lipat bahay”. Dito sa Capiz, maraming nakikitira lamang sa mga lupain na pag-aari ng traditional politicians. Hawak nila sa leeg ang mga botante pero may ilan din naman na lumilihis kaya after election, iba na ang kanilang address.
Dapat makarating ang kasong ito kay Comelec chairman George Erwin Garcia. Dapat ang mga nananakot na kandidato sa mga nakatira sa kanyang lupain o asyenda ay ma-disqualified sa election. Hindi nararapat na gipitin ng landowner ang mga nasa loob ng kanyang ari-arian.
- Latest