Pati Vatican nape-fake news
Nagbubunyi ang mga Katoliko Romano dahil mayroon nang bagong mamumuno sa Iglesia sa katauhan ni dating Cardinal Robert Francis Prevost, isang Peruvian-American na tinawag ngayong Pope Leo XIV. Si Prevost ang pumili ng pangalan dahil isusulong daw niya ang adhikain ni Pope Leo XIII para sa mararalita.
Hindi siya front runner kagaya ng ibang cardinal na lumahok sa conclave tulad ng ating Luis Antonio Cardinal Tagle. Hindi ko maunawaan kung ano ang layon ng mga nagpapakalat ng pekeng impormasyon na si Tagle na ang bagong pope!
Bago pa man ganapin ang pagpili ng bagong mamumuno sa Simbahang Katoliko Romano, at bago pa man pumanaw si Pope Francis, naglutangan na sa social media ang fake news na tiyak nang siya ang papalit sa yumaong pope. Kasi raw, ang mga patakaran ni Tagle ay katulad ng kay Pope Francis at siya ang pinakapaboritong cardinal ng yumaong pope.
Katunayan, kahit hindi pa sinimulan ang conclave, mayroon nang mga iresponsableng vlog sa YouTube na nagsasabing si Tagle na ang nahalal na bagong pope. Marami tuloy sa mga kababayan natin ang marubdob na umasang Pilipino ang susunod na pope.
Marami tuloy ang sumama ang loob at nagmistulang pulitika ang paghalal ng pope. Hindi puwedeng ihambing sa political events ang conclave dahil ito’y gawaing pangrelihiyon.
Walang vote buying, walang dagdag-bawas at walang bulok-propaganda. Of course, kung si Tagle ang nahalal, may dahilan tayong magbunyi. Pero ang conclave ay hindi paligsahan tulad ng Miss Universe Pageant.
- Latest