^

PSN Opinyon

Misis, hiniwalayan ang asawa dahil sa ‘hula’ ng chatgpt na nagtataksil ito!

MGA KUWENTONG WEIRD - Ronniel Niko B. Halos - Pilipino Star Ngayon

Isang babae sa Greece ang nagdesisyong maki­paghiwalay sa kanyang mister matapos umanong “hulaan” ng ChatGPT sa pamamagitan ng kape na nambababae ito

Ayon sa ulat, sumunod umano ang babae sa isang nauusong social media trend kung saan ipinapabasa sa ChatGPT ang mga natirang coffee grounds sa tasa bilang isang modernong bersiyon ng Tasseography.

Ang Tasseography ay isang sinaunang pamamaraan ng panghuhula o divination gamit ang mga latak ng inumin tulad ng kape, tsaa, o alak sa isang tasa.

Sa tradisyonal na paniniwala, ang mga hugis at simbolong nabubuo sa mga latak ng inumin ay itinuturing na may kahulugan at maaaring magsiwalat ng mga nakatagong impormasyon o magbigay ng prediksyon sa hinaharap.

Ayon sa ulat, nagtimpla ng kape ang misis para sa kanilang mag-asawa, kinuhanan ng litrato ang mga tasa, at ipinakunsulta ito sa ChatGPT para i-analyze at hulaan.

Nagulat ang babae nang sabihin ng chatbot na ang kanyang asawa ay nagkakaroon ng relasyon sa isang misteryosong babae na nagsisimula sa letrang “E.” Ayon pa sa ChatGPT, ang babae umano ay may intensiyong sirain ang kanilang pamilya.

Sa panayam sa mister sa isang Greek TV morning show na To Proino, ibinahagi niya ang pagkabigla sa ginawang aksiyon ng kanyang asawa. “Tinawanan ko lang dahil wala namang katotohanan,” anang mister. “Pero sineseryoso niya. Pinaalis niya ako sa bahay, sinabi sa mga anak namin na maghihiwalay na kami, at nakatanggap ako ng tawag mula sa abogado. Doon ko lang napagtanto na hindi biro ang lahat.”

Matapos niyang tumanggi sa hiwalayan, natanggap niya ang divorce papers makalipas lamang ang tatlong araw. Plano ng kanyang abogado na labanan ang kaso dahil ang akusasyon na nagmula lamang sa isang AI chatbot ay walang legal na basehan at inosente ang kanyang kliyente.

Ayon pa sa lalaki, mahilig umano ang kanyang asawa sa mga bagay na may kinalaman sa panghuhula at ­astrology. “Ilang taon na ang nakalipas, nagpunta siya sa isang astrologer at halos ma-obsess siya sa mga sinasabi nito. Inabot ng isang taon bago niya natanggap na walang katotohanan ang mga iyon,” pagbabahagi niya.

Matapos mag-viral ang kakaibang kaso ng mag-asawa, ilang eksperto sa tasseography ang nagbi­gay-linaw. Ayon sa kanila, hindi sapat na ang mga bakas ng kape lamang ang basahin, kinakaila­ngan ding isaalang-alang ang itsura ng mga bula at ang marka sa saucer. Anila, hindi bihasa ang ChatGPT sa ganitong klase ng interpretasyon.

Sa kasalukuyan, patuloy pa ring dinidinig sa korte ang kaso ng kanilang diborsiyo.

CHATGPT

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with