Office staff sa U.K. na ikinumpara kay ‘Darth Vader’ ng mga katrabaho, nakatanggap nang malaking danyos!
ISANG staff sa NHS blood donation center sa United Kingdom ang ginawaran ng £28,989.61na danyos (mahigit P2 million) matapos siyang ikumpara ng mga katrabaho sa iconic na kontrabida ng Star Wars na si Darth Vader. Nakilala ang empleyada na si Lorna Rooke.
Ayon sa korte, ang naturang pagkukumpara ay nagdulot ng hindi magandang karanasan kay Rooke, dahilan upang tuluyan siyang magbitiw sa trabaho.
Naganap ang insidente noong August 2021 sa isang team-building activity kung saan ang mga empleyado ay sumailalim sa Star Wars-themed Myers-Briggs personality test. Dahil kailangan ni Rooke, na lumabas para sa isang personal call, isang katrabaho ang nagdesisyon na sagutan ang pagsusulit para sa kanya. Pagbalik ni Rooke, ibinalita sa kanya na ang resulta ng kanyang personality test ay nagtutugma kay Darth Vader.
Ayon kay Rooke, labis umano ang naging epekto nito sa kanyang pagtatrabaho sa kanilang opisina. Nagsimula raw siyang makaramdam na tila isa siyang “outcast”. Dahil dito, napilitan siyang mag-resign makalipas lamang ang isang buwan mula nang mangyari ang insidente.
Nag-file si Rooke ng kaso laban sa kanyang employer dahil sa umano’y unfair dismissal, diskriminasyon, at kakulangan sa pagbibigay ng nararapat na konsiderasyon sa kanyang kalagayan. Bagaman tinanggihan ng korte ang mga akusasyon ng diskriminasyon at unfair dismissal, kinatigan naman siya sa aspeto ng “detriment” o pinsalang idinulot ng naturang insidente sa kanyang karanasan sa trabaho.
Ayon sa employment judge na si Kathryn Ramsden, “Si Darth Vader ay isang kilalang kontrabida sa Star Wars at ang pagkukumpara sa kanya ay may negatibong implikasyon.”
Sa kabila ng paglalarawan sa Myers-Briggs questionnaire kay Darth Vader bilang isang “focused individual” na may kakayahang pagsama-samahin ang mga miyembro ng grupo, nanindigan ang korte na ang naturang label ay nakasira sa reputasyon at emosyonal na estado ni Rooke sa trabaho.
Sa huli, pinagkalooban si Rooke ng kabuuang £28,989.61 bilang kabayaran para sa pinsalang naranasan niya, ngunit ibinasura ang kanyang mga reklamo para sa diskriminasyon at hindi makatarungang pagkatanggal sa trabaho.
- Latest