Maling pagkakakabit ng bollards sa NAIA
NEGATIBO sa alak at droga ang drayber ng SUV na nanagasa ng mga pasahero sa NAIA Terminal 1 kung saan dalawa ang namatay at apat ang nasugatan. Ganunman, tuloy ang mga kaso sa drayber.
Pag-aaralan na rin ng LTO ang paghihigpit sa pagbibigay ng lisensiya dahil sa mga madugong aksidente, sa totoo lang, hindi lahat ng marunong mag-start ng sasakyan, may karapatang magmaneho, lalo na ng PUVs.
Marami riyan na nabibigyan ng lisensiya dahil sa korapsiyon sa LTO. Matagal ko nang naririnig sa LTO na hihigpitan ang pagbibigay ng lisensiya pero walang nangyayari.
Pinaiimbestigahan na rin ni Pres. Bongbong Marcos Jr. ang bollards na inilagay sa bangketa ng NAIA noong 2019 sa panahon ng administrasyong Duterte. Hindi napigilan ng bollards ang SUV kaya inararo ang mga pasahero.
May larawan akong nakita kung saan buhat ang isang bollard. Mukhang naka-welding lang sa kapirasong bakal ang bollard habang ang bakal ay naka-turnilyo lamang sa sahig. Ang tamang bollard ay nakabaon nang malalim sa semento para matibay at hindi kakalas kapag nabangga.
Hindi na ako magtataka kung mahina ang bollards sa NAIA kasi nakaturnilyo lang. Dapat maimbestigahan ang nagkabit ng mga iyan. Kapag may anomalya, kasuhan na agad.
Sa ibang isyu, hindi sumipot ang moto-vlogger na si Yanna Aguinaldo sa show cause order ng LTO noong Martes. Siya ang moto-vlogger sa viral video kung saan may nakaalitang pick-up sa Zambales. Nanganganib daw ang seguridad niya kaya abogado na lang ang pinapunta.
Puwede ba ‘yun? Sa nasabing video, mismong siya rin ang kumuha, nainis siya dahil hindi makalusot gawa ng pabagu-bagong direksyon ng pick-up. Dirt road ang dinaraanan nila kaya naghahanap ng maayos na daraanan ang pick-up.
Nang makalusot nag-“dirty finger” si Yanna. Palalampasin na sana ng drayber pero napansin niyang inaabangan siya ng grupo ng motorsiklo. Nang makausap, aroganteng pinagsalitaan ni Yanna ang drayber.
Naging mabilis ang hatol ng social media kay Yanna. Siya ang mali dahil hindi inisip na dirt road tapos sa kanan ng pick-up pa nag-overtake. At bakit pa niya hinintay?
Handa siyang makipag-away, dahil marami siyang kasama? Bakit hindi minura ang drayber kung talagang matapang siya? Ngayon, dahil sa kanyang kayabangan ay persona non grata na siya sa Zambales, pinapupunta ng LTO, suspendido ang lisensiya at maaaring makansela pa at kakasuhan ng drayber. Katakut-takot na haters at bashers ang inaabot niya.
Ngayon humihingi ng tawad. Tapang today, iyak tomorrow, ika nga. Kaya mag-iingat sa pag-upload ng mga video sa internet. Siguruhing nasa tama at baka buweltahan ng buong mundo.
- Latest