Ganito na ba ang mga driver ngayon?
Tinalakay ko sa nakaraang kolum ang madugong aksidente sa SCTEX noong May 1 kung saan nakatulog ang driver ng Pangasinan Solid North Transit, Inc. at inararo ang apat na sasakyang nakapila sa toll gate. Sampu ang namatay.
Noong Linggo naman, isang SUV ang umararo sa mga taong nasa entrance ng NAIA Terminal 1 departure area. Dalawa ang patay kabilang ang batang babae. Apat ang nasaktan. Ayon sa driver ng SUV, paalis na siya nang may dumaan umanong sasakyan sa harap niya. Nataranta at imbis na preno ang tapakan, ang silinyador ang nadiinan. Nawasak ang harang na bollard. Pero nang rebyuhin ang CCTV, walang sasakyan na dumaan sa harap ng SUV.
Ganito na ba ang mga driver ngayon? Sigurado ako na hindi pa mabilis ang andar ng SUV para mataranta siya. Maraming sasakyan sa departure area ang sumisingit kung saan puwede para nga magbaba ng pasahero. Hindi niya alam iyon? Hindi niya alam kung ano ang tinatapakan na pedal?
Sabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon mukhang hindi naman sinadyang managasa ng mga pasahero sa NAIA. Oo nga, mahinang driver lang. Suspendido na ang lisensiya ng driver. Nagnegatibo naman siya sa drug test. Sasagutin naman ni New NAIA Infra Corp. (NNIC) President Ramon ang gastusin sa ospital ng apat na nasaktan at magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga pamilya ng namatayan.
Marami pong salamat, Ginoong Ramon Ang. Pakiimbestiga na rin kung bakit hindi napigilan ng bollards o mga posteng nakahanay sa bangketa ng NAIA ang nagwalang SUV. Ang layunin ng bollards ay pigilan ang mga sasakyan na makasampa at dumeretso sa mga tao. Kung madiskubre na hindi tama ang paggawa ng bollards, habulin ang naglagay nito.
Sunud-sunod ang mga aksidente at madudugo. Banggitin ko na rin ang sunud-sunod na road rage sa bansa. Ang pinakabago ay ang babaing moto-vlogger kung saan mismong video niya ang nagpakita ng kanyang pagiging arogante at ignorante sa mga tuntunin sa kalsada. Sa sunod na natin pag-usapan ito at napakasarap pag-usapan ang nangyari matapos lumabas ang video na ‘yan.
- Latest