Umento, kailangan ngunit kaya ba?
KUNG ako ang tatanungin, talagang kailangan nang itaas ang suweldo ng mga manggagawa. Katakut-takot nang pagtataas sa presyo ng bilihin ang nangyari at nahihirapan ang mamamayan na pagkasyahin ang kinikita.
Katunayan, sa isang survey kamakailan, sinasabing tumaas ang bilang ng mga Pilipinong itinuturing ang sarili na “mahirap.” Kaya naman ang sigaw ng uring manggagawa noong Mayo 1 (Labor Day) ay magpatupad ng legislated wage hike na akma upang makayanan ng taumbayan ang mataas na presyo ng bilihin.
Hindi naman masisisi ang tao kung mag-demand ng ganyan. Ako man, bilang ordinaryong mamamayan ay nakakaramdam ng epekto ng ‘di mapigil na inflation. Lalo itong mahirap para sa isang retiradong gaya ko na wala nang ibang source of income matangi sa maliit na pension.
Ngunit sa kabilang dako, pati mga producers ng basic needs o mga kampanya ay dumaranas din ng mataas na halaga ng produksyon. Kung magkakaroon ng batas para sapilitang itaas ang sahod ng mga obrero, mapipilitan silang sumunod ngunit tataas ang kanilang overhead expenses.
Upang masolusyunan ito, mapipilitan din silang taasan ang halaga ng mga product at serbisyo. Suma-total, tumaas nga ang suweldo ngunit tumaas din ang halaga ng bilihin at mga serbisyong kailangan ng tao.
Mas masahol ang mangyayari kung magpapatupad ng retrenchment ang mga kompanya. Magbabawas ng tauhan upang maipatupad ang batas sa wage increase. Problema naman sa massive unemployment ang kahaharapin natin.
Sabi ni President Bongbong Marcos, hindi dapat pabayaan ng pamahalaan ang mga manggagawa. Iyan ang malaking hamon na haharapin ng Presidente na lalong humihirap dahil sa krisis pampulitika sa bansa.
- Latest