Mga prutas para sa nakararanas ng constipation

Maraming tao ang nakararanas ng constipation o hirap sa pagdumi. Ang constipation ay puwedeng magpalala ng sakit sa puso, luslos at hemorrhoids.
Ang mga buntis, kababaihan at may edad ay madalas hirap makarumi. Hindi ko pinapayo ang pag-inom ng gamot o herbal tea para makarumi. Sa katagalan ay makasasama ito.
Narito ang mga prutas na mabisang lunas para sa dumaranas ng constipation. Mabibili ang mga ito sa supermarket at maski sa mga karaniwang palengke sa inyong lugar.
1. Pakwan – Ang pakwan ay may taglay na 92% alkaline water. Mataas ito sa vitamin A, Vitamin B, Vitamin C, lycopene at potassium. Ang pagkain ng 2 hiwa ng pakwan sa maghapon ay puwede nang magpalambot ng dumi.
May benepisyo rin ang pakwan para sa bibig, sikmura at bituka. Makatutulong ito sa may singaw at bad breath (mabaho ang hininga).
2. Papaya – Ang papaya ay napakabisang prutas para sa hindi makarumi. Kapag kumain ka ng 1 o 2 hiwa ng papaya ay siguradong lalambot ang iyong dumi. Kapag matamis ang papaya ay mas mabisa ito.
May sangkap na papain ang papaya, isang enzyme na nakatutulong sa paglambot ng dumi. Mataas din sa vitamin C ang papaya kaya masustansya ito. Huwag lang sosobrahan ang pagkain at baka magtae ka naman.
3. Peras – Ang peras ay mayaman sa fiber at sorbitol na makatutulong sa pagdumi. Ang fiber ay nagbibigay ng hugis (o bulk) sa dumi. Ang sorbitol naman ay nagbibigay ng tamis sa peras at naghahatak ng tubig sa loob ng bituka para lumambot ang dumi.
Ayon kay Dr. Jay Hoecker ng Mayo Clinic, puwedeng bigyan ng peras ang mga sanggol at bata na hindi makarumi. Ang 2 hanggang 4 na onsa (ounce) ng katas ng peras ay maaaring makatulong sa pagdumi ng bata.
4. Prunes – Sa Pilipinas, makabibili tayo ng prune juice at dried prunes sa mga supermarkets. Ang prunes ay matagal nang lunas para sa pagtitibi. Tulad ng peras, may taglay na fiber, sorbitol at antioxidants ang prunes.
Sa bawat kalahating baso ng prune juice (100 ml) may sangkap itong 6.1 grams ng sorbitol. Dahil dito, napapalambot ng prunes ang dumi.
Ayon sa mga eksperto, may tulong din ang prunes sa buto at sa pag-iwas sa osteoporosis.
* * *
Tips para maiwasan ang indigestion
1. Kumain ng mas maraming gulay at prutas. Nguyain ang pagkain ng mabuti at dahan-dahan. Kumain ng pakonti-konti ngunit mas madalas.
2. Iwasan ang “trigger foods”. Ang karaniwang nagdudulot ng indigestion ay ang matataba at maaanghang na pagkain, softdrinks, kape, pag-inom ng alak at paninigarilyo.
3. Panatilihin ang tamang timbang. Ang sobrang timbang ay naglalagay ng pressure sa iyong sikmura at maaaring maging dahilan ng stomach acid para umakyat sa lalamunan.
4. Mag-ehersisyo nang madalas. Ang pag-ehersisyo ay malaking tulong para hindi tumaba at umayos ang iyong panunaw.
5. Limitahan ang stress at magkaroon ng sapat na tulog.
6. Suriin ang iyong mga gamot. Sumunod sa payo ng doktor kung kinakailangang inumin ang gamot. Ngunit ang gamot tulad ng aspirin at pain relievers ay puwedeng makairita at makasira sa lining ng sikmura. Kung iinom ng gamot, kumain muna para mabawasan ang hapdi.
7. Uminom ng herbal tea na may peppermint. May mga taong nagiginhawahan sa pag-inom ng peppermint, ngunit hindi pa ito tiyak. Puwede namang subukan.
8. Kung hindi lamang natunawan, hindi dapat mag-alala. Kumunsulta sa doktor kung ang indigestion ay mahigit dalawang linggo at may mga senyales tulad ng pagbaba ng timbang, walang ganang kumain, pagsusuka, maitim ang dumi at may paninilaw sa balat at mata.
9. Mahalaga na maglaan ng oras sa mga bagay na gustong gawin.
10. Subukang mag-meditate o mag-yoga.
- Latest