^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Anong nangyayari sa mga pulis?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Anong nangyayari sa mga pulis?

NARARAPAT nang magsagawa ng reporma sa Phi­lippine National Police (PNP) sapagkat tala­mak na ang ginagawang kabulastugan ng mga miyembro. Wala nang delikadesa ang mga pulis at lalong pina­sasama ang imahe ng PNP sa publiko. Darating ang panahon na wala nang magtitiwala sa mga pulis at kamumuhian pang lalo. Nang maupong PNP chief si Gen. Rommel Marbil noong Abril 2024, nangako siya na magkakaroon ng internal cleansing sa pina­mumunuang organisasyon pero hindi niya tinupad ang pangako. Dahil walang ginawang paglilinis, du­mami pang lalo ang mga pulis na “pera-pera” ang lakad. Nagtatrabaho ang mga pulis para makapangu­limbat.

Noong Sabado, tatlong pulis sa Caloocan City Police Station ang inaresto ng mga kagawad ng Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) dahil sa reklamong pangingikil ng “visitation fees” sa mga pamilya ng detainees. Ang mga inaresto sa isinagawang entrapment operation ay kinabibilangan ng 1 police major, 1 master sergeant at 1 patrolman. Ayon sa mga pamilya ng detainees, sinisingil sila ng P1,500 bawat pagbisita. Nakuha ng IMEG sa tatlong pulis ang P4,000. Nasa Camp Crame na ang mga pulis at patuloy na iniimbestigahan.

Noong Abril 24, pitong pulis sa Parañaque ang inaresto ng mga kapwa pulis dahil sa pangingikil sa isang Chinese businessman ng halagang P100,000. Pinara ng mga pulis ang sasakyan ng Chinese sa Ma­­capagal Avenue at hiningi ang rehistro ng sasak­yan. Sinabi raw ng mga pulis na peke ang rehistro at isinama sa police station ang Chinese at hiningan ng P300,000 pero P100,00 lamang ang binigay. Nagsum­bong ang Chinese sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at isinagawa ang pag-aresto sa pitong pulis at sinampahan ng kasong robbery/extortion. Ayon kay NCRPO chief Maj. Gen. Anthony A. Aberin, posibleng masibak sa puwesto ang pitong pulis.

Noong Abril 21, isang lasing na pulis sa Quezon City ang inaresto ng kanyang mga kapwa pulis dahil sa ginawang pangha-harass, pang-aabuso at puwer­sahang pagpasok sa bahay ng tatlong residente sa Bgy. Damayang Lagi, Quezon City. Kinilala ang abu­sadong pulis na si S/Sgt Colonel Jordan V. Marzan. Kinasuhan siya nang paglabag sa Republic Act 7610, two counts ng slight physical injury at grave threat. Sinibak naman si QCPD chief Brig. Gen. Melecio Buslig Jr. dahil sa command responsibility.

Napakarami na ng mga ginagawang kasamaan ng mga pulis. Mayroon pa namang mabubuti at tapat na pulis pero dahil nasasapawan ng mga masasama, nadadamay na rin sila. Ang pagkilos ni Marbil para mareporma ang pinamumunuang organisasyon ay patuloy na inaantabayanan. Bago man lang siya bumaba sa puwesto ay maipagmalaki niya na may mga naputulan siya ng “sungay” sa PNP.

PNP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with