Lalaki, nagulat nang malaman na ang nabiling second hand car ay ang kotseng ninakaw sa kanya!
ISANG lalaki sa Solihull, England ang nakaranas ng kakaibang sitwasyon matapos matuklasang nabili niya ang kanyang kotse na ilang linggo nang nawawala matapos itong manakaw!
Kinilala ang biktima na si Ewan Valentine, 36, na noong Pebrero 28 ay nadiskubreng nawawala ang kanyang itim na Honda Civic Type-R 2016 mula sa kanyang driveway.
Agad siyang nakipag-ugnayan sa pulisya at sa kanyang insurance provider upang ireport ang insidente.
Matapos ang ilang linggong paghahanap ng kapalit na sasakyan, nakatagpo si Valentine ng isang Honda Civic sa isang garage na nagbebenta ng second hand cars. Kapareho ito ng modelo, kulay, at may katulad na custom exhaust system.
Dahil iba na ang plaka, mileage, at VIN number, hindi niya agad pinagdudahan ang pagkakapareho at nagbayad siya ng mahigit £20,000.
Ngunit matapos niyang maiuwi ang sasakyan, napansin niya ang ilang hindi pangkaraniwang detalye: isang tent peg, mga pine needles, at mga balat ng candy sa loob ng sasakyan na mga bagay na kapareho ng laman ng kanyang kotse bago ito nawala.
Lalo pang tumindi ang kanyang hinala nang buksan niya ang built-in GPS ng sasakyan at makita ang mga naka-save na lokasyon ng kanilang bahay, bahay ng kanyang mga magulang, at bahay ng mga magulang ng kanyang girlfriend.
Dahil dito, dinala niya ang sasakyan sa isang Honda dealership sa Solihull, kung saan agad na nakumpirma ng mga technician na pineke ang VIN number nito. Sa pagsusuri, ginamit ang physical key na nakatago sa smart key upang buksan ang sasakyan at naging patunay na ito nga ang orihinal niyang sasakyan na ninakaw.
Ayon sa mga imbestigador, maituturing na “isa sa pinakamagaling na cloning” ng sasakyan ang ginawang pagmanipula ng mga magnanakaw, kabilang ang pagpapalit ng plaka, VIN number, at pag-adjust ng mileage upang hindi madaling matukoy ang tunay na pagkakakilanlan ng sasakyan.
Naniniwala si Valentine na nabiktima rin ng panlilinlang ang garage kung saan niya nabili ang sasakyan, at wala silang kaalaman na ito ay nakaw. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan pa ng pulisya ang kaso para sa karagdagang forensic evidence.
Nasa proseso na ngayon ng pag-aasikaso ang insurance company kung ire-rehabilitate ang sasakyan upang maging legal ulit sa kalsada o kung ibabalik kay Valentine ang kabuuang halaga ng insurance claim.
Samantala, pinayuhan ng pulisya ang publiko na maging mas mapanuri sa pagbili ng mga second hand na sasakyan, lalo na kung may hindi tugmang impormasyon sa dokumento at pisikal na estado ng kotse.
- Latest